June 2, 2025
Kinilala at binigyang-pugay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), ang mga Local DRRM Councils and Offices (LDRRMCOs) sa Lalawigan ng Batangas na namayagpag at ginawaran ng parangal sa nakaraang 24th Gawad KALASAG Seal and Special Awards for Excellence in DRRM and Humanitarian Assistance Awarding Ceremony for CALABARZON Region noong ika-28 ng Enero 2025 sa Twin Lakes Hotel Tagaytay-Nasugbu Highway, Laurel, Batangas.
Sa isinagawang lingguhang pagpupugay sa bandila ng Pilipinas noong ika-2 ng Hunyo 2025, personal na iginawad ni PDRRMC Chairperson, Governor Hermilando Mandanas, kasama si PDRRM Officer, Dr. Amor Calayan, mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, at iba pang opisyal ng Kapitolyo, ang Sertipiko ng Pagkilala sa mga LDRRMCOs ng lalawigan para sa kanilang ipinamalas na galing sa larangan ng kahandaan at pagtugon sa mga kalamidad at sakuna.
Unang ginawaran ng rekognisyon ang mga bayan at lungsod sa lalawigan na nahirang bilang “Fully Compliant” at “Beyond Compliant” sa LDRRMCOs Category.
Kabilang sa mga Fully Compliant o naabot ang minimum requirements at nakasunod sa mga itinakdang pamantayan para sa epektibong pagtataguyod at operation ng kani-kanilang LDRRMCO ang mga Lungsod ng Calaca at Tanauan, at mga Bayan ng Agoncillo, Balayan, Bauan, Calatagan, Laurel, Lemery, MataasnaKahoy, Padre Garcia, Rosario, San Jose, San Juan, San Nicolas, San Pascual, Sta. Teresita, Taal, at Talisay.
Ang naturang uri ng compliance ay kinakapalooban din ng aspeto sa pagkakaroon ng maayos na LDRRMCO organizational structure, mga polisiya at patakaran, kapasidad sa kahandaan at pagresponde, at pagkakaroon ng abilidad sa integration ng disaster risk considerations sa development plans.
Ang mga Lungsod ng Batangas at Sto. Tomas at mga Bayan ng Alitagtag, Nasugbu, at Taysan naman ang nakatanggap ng Beyond Compliant rating o mga LDRRMCOs na nagkamit ng pinakamataas na karangalan sa pamamagitan ng paglampas sa mga itinakdang basic requirements sa pamamahala ng kalamidad at sakuna.
Sakop din ng nasabing compliance ang pagtugon sa paglalapat o implementasyon ng mga makabagong DRRM practices sa kanilang mga ginagawang disaster response.
Sumunod na kinilala ng pamahalaang panlalawigan ang mga special awardees sa regional level. Dito ay namukod tangi ang pag-aksyon sa panahon ng sakuna at mga planong pangkahandaan ng Maabud National High School sa Bayan ng San Nicolas bilang Best Public High School at Batangas Medical Center sa Lungsod ng Batangas bilang Best Hospital.
Samantala, pawang sumentro naman ang mga mensahe nina Governor Mandanas at PDRRMO head Calayan sa pagpapahalaga sa mga DRRM practitioners, na anila ay nasa frontline ng bawat mga sakuna at kalamidad at nagpapalakas sa antas ng disaster preparedness, response, mitigation, at recovery tungo sa isang mas matatag o “Resilient Batangas.”
Ang Gawad KALASAG o Gawad 𝗞𝗔lamidad at Sakuna 𝗟𝗔banan, 𝗦𝗔riling 𝗚aling ang Kaligtasan ay isang taunan at prestihiyosong seremonya na kumikilala sa mga signipikong inisyatibo, best practices, advancement, mga komprehensibong pagpaplano, at proactive and holistic approach sa larangan ng pamamahala ng kalamidad at sakuna at humanitarian assistance sa bansa, sang-ayon sa Republic Act 10121 o Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010.
Sumasalamin din ang salitang kalasag bilang pag-abot sa layunin na mabigyan ng protektsyon o panangga ang mga komunidad laban sa pag-iwas at pagbawas sa pinsala o epekto ng mga kalamidad.
Mark Jonathan M. Macaraig / Junjun De Chavez – Batangas Capitol PIO