May 29, 2025
Isinagawa ang 2nd Quarter Joint Meeting ng mga kasapi ng Provincial Committee on Anti-Trafficking and Violence Against Women and Children (PCAT-VAWC) at Batangas Province Migrants Coordinating Council (BPMCC) nitong ika- 28 ng Mayo 2025 sa Samahang Batangueña Building, Kapitolyo, Lungsod ng Batangas, upang pagtalakayan ang mga nakalinyang programa at magbalangkas ng mga resolusyon at batayan para sa kanilang mga assistance program.
Sa hanay ng PCAT-VAWC, ilang mga prohibisyon at lathala ang binigyang linaw ukol sa pagpapaabot ng tulong sa mga biktima ng karahasan na inklusibo o hindi lamang nagbibigay pansin sa kabataan at kababaihan, kung hindi pati rin sa lahat ng gender-based violence (GDV).
Isinulong din, sa pamamagitan ng mungkahi ni Provincial Prosecutor, Atty. Lourdes G. Ramirez-Zapanta, na masiguro ang anumang tulong pinansiyal na may kaugnayan sa medikal at sikolohikal na mga pangangailangan ay maipaabot sa mga biktima, at ang pagkakaroon na dagdag na pamantayan sa isyu ukol sa pagsusulong at pag-aatras ng mga kaso para sa mga may pananagutan, lalo na kung ang mga sangkot ay miyembro ng pamilya.
Dagdag pa ni Fiscal Ramirez-Zapanta, importanteng bigyan-pansin ang psychological aspect o pagbibigay ng counseling para sa mga biktima dahil hindi agarang nalalaman kung gaano kalalim ang “emotional damage” na dulot ng karahasan sa mga ito.
Binigyang-diin din ng komite na siguraduhin ang “holistic approach” sa pagpapaabot ng tulong sa mga biktima ng anumang uri ng GDV na nangangahulugan ng pagtugon sa tulong para sa biktima at kanilang pamilya, sikolohikal na pag-aaruga, muling pag-aaral ng mga ito, at integrasyon sa komunidad upang muling magbalik-sigla at maging produktibong miyembro ng kanilang kinabibilangang lipunan.
Sa hanay naman ng BPMCC, ibinahagi nito ang mga paghahanda para sa gagawing paghirang sa mga natatanging Batangueño Overseas Filipino Workers (OFW) at kanilang mga pamilya sa gagawing Go Earn Achieve Return – Uplift Philippines o GEAR-UP Batangas Awards.
Ibinahagi din ng mga kasapi ng konseho ang kani-kanilang mga accomplishment na may kaugnayan sa pagpapalakas ng kamalayan at kapakanan para sa mga Batangueno OFWs.
Ang pinagsamang pagpupulong ay pinangunahan ng mga opisyal ng Provincial Social Welfare and Development Office, sa pangunguna ni Asst. Department Head Adel Macaraig bilang joint committee chairperson at presiding officer, kasama ang mga kinatawan ng labor sector at iba pang mga stakeholders, sa pangunguna ni Overseas Workers Welfare Administration Region IV-A Director Rosario C. Burayag. / Edwin V. Zabarte, Mon Antonio Carag, Photos: Mac Ven Ocampo- Batangas Capitol PIO