Gov. Mandanas, ipinagdiwang ang kaarawan kasama ang mga volunteer workers ng Batangas

Kite Festival 2024, nagdala ng ligaya sa himpapawid ng Batangas
March 25, 2024
Supplemental / Bid Bulletin No. 1 for Project C-005 – Rehabilitation/Improvement/Upgrading of Provincial Road @ BAT035 – Poblacion 2 – San Gregorio Road, Laurel, Batangas
March 26, 2024

March 25, 2024

Tinatayang nasa mahigit 15,000 na mga volunteer workers mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Lalawigan ng Batangas ang nagpaabot ng kani-kanilang pagbati at nakiisa sa pagdiriwang ng kaarawan ni Governor Hermilando Mandanas ngayong araw, ika-25 ng Marso 2024, sa Capitol Compound, Batangas City.

Pinili ni Gov. Mandanas na isabay sa kaniyang mismong kaarawan ang pamamahagi ng honorarium para sa mga sectoral volunteers at leaders na nagsisilbing katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa paghahatid ng serbisyo publiko sa bawat komunidad sa lalawigan.

Kabilang sa mga sektor ng volunteer workers na nagtungo sa Kapitolyo ng probinsya ay mula sa hanay ng mga Senior Citizens, Persons with Disabilities, Child Development Workers, Parent Leaders, Barangay Tanod Chief, Barangay Health Workers, at Barangay Nutrition Scholars.

Ayon kay Governor Mandanas, batay sa talaan ng Provincial Social Welfare and Development Office, Provincial Public Order and Safety Department, at Provincial Health Office, umabot sa mahigit ₱30.6 Milyon ang naipaabot ng pamahalaang panlalawigan na halaga ng 1st Quarter allowance sa mga naturang barangay volunteers.

Sa kaniyang naging mensahe, taos-pusong pinasalamatan ng gobernador ang lahat ng mga dumalo sa isinagawang maikling programa para sa kaniyang kaarawan. Nagpasalamat din ang punong lalawigan sa lahat ng mga volunteer workers dahil sa maayos at mabilis na pagpaparating ng mga kinakailangang tulong sa mga barangay.

Ipinunto rin ni Gov. Mandanas ang kaniyang malalim na pagnanais sa patuloy na pagtulong sa kapwa, na patunay aniya sa kaniyang tuloy-tuloy na paghimok sa mga mamumuhunan o investors para mas lumakas pa ang ekonomiya ng lalawigan.

“[Ito ay] pasimula ng bago na namang pahina sa ating buhay at lagi ko kayong makakasama. Lagi akong magpapasalamat sa inyo. Simula pa ng mahaba pa nating lakbayin, marami pa tayong dapat gawin,” ayon kay Gov. Mandanas.

Dagdag pa niya, “…sa dami ng biyaya, sa dami ng pagpapala, sa dami ng ibinibigay sa atin, gusto ko na tunay na bigyang-diin, na nasa puso, damdamin ng Governor DoDo Mandanas, ang akin ding pananagutan…sabi nga kapag meron tayong tinanggap, meron ding dapat ibalik. Alam kong mabigat ang ating tatahakin, pero kung kasama ko kayo [mga Batangueño] at sa tulong at awa ng Panginoon, magpapatuloy ang ating pagganap [sa tungkulin].”

Samantala, bukod sa mga sectoral at volunteer workers ng probinsya, nakisaya at personal ding bumati sa kaarawan ni Governor Mandanas ang mga miyembro ng Sanggnuniang Panlalawigan, sa pangunguna ni Vice Governor Mark Leviste, ilang mga kinatawan sa kongreso, mga city and municipal chief executives, mga tagapamuno ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, at mga kawani at opisyal ng pamahalaang panlalawigan. Bago ang ginanap na pagdiriwang, inumpisahan muna ito sa pamamagitan ng pagdaraos ng isang Banal na Misa at lingguhang pagpupugay sa bandila ng Pilipinas.

Mark Jonathan Macaraig/Photos: Karl Ambida – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
1

Comments are closed.