November 17, 2023
Isang Infomercial Contest para sa mga Batangueño college students ang isinagawa ng Department of Trade and Industry – Batangas Provincial Office, katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas at Asian Vision, Inc, noong ika-16 ng Nobyembre 2023 sa Batangan Hall ng Kapitolyo, Lungsod ng Batangas.
Nagwagi ng unang gantimpala ang grupo ng mga estudyante mula sa First Asia Institute of Technology and Humanities (FAITH) Colleges ng Lungsod ng Tanauan, habang ang mga entries naman ng University of Batangas – Lipa Campus at Lyceum of the Philippines University Batangas pumangalawa at pumangatlo, ayon sa pagkakasunod. Nakuha rin ng FAITH Colleges ang Best in Video Editing special award.
Ang patimpalak ay nagkaroon ng anim na infomercial entries mula sa FAITH Colleges, na nagpasa ng 2 presentasyon, LPU-Batangas, UB-Lipa, Batangas State University-Lipa at Kolehiyo ng Lungsod ng Lipa.
Sa gabay ng temang “GenS: Generation Sustainable,” ang contest ay naglalayong isulong at bigyang-diin sa publiko ang pagsasabuhay ng “sustainable consumption” upang mapangalagaan ang kalikasan at kapaligiran para sa lahat.
Ang advocacy campaign na ito ay bahagi ng Consumer Welfare Month celebration ng DTI.
Lubos naman ang pasasalamat ng DTI, sa pangunguna ni DTI Batangas Provincial Director Leila Cabreros, sa pamahalaang panlalawigan, partikular kay Gov. DoDo Mandanas, para sa patuloy nitong suporta sa mga aktibidad ng kanilang ahensya.
Nauna rito, naging ka-partner ng Kapitolyo, sa pamamagitan ng Provincial Government Environment and Natural Resources Office, ang DTI Batangas at Jollibee sa Project GenS: Generation Sustainable, na inilunsad sa Lungsod ng Lipa noong ika-25 ng Oktubre 2023.
V. Altar / Photo: Mac Ocampo – Batangas Capitol PIO