Batangueña PNPA 2024 Top Cadet, kinilala ng Batangas Capitol

Notice of Vacant Positions
May 3, 2024
Invitation to Submit Quotation (May 9, 2024)
May 6, 2024

May 6, 2024

Kinilala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas bilang natatanging “Bidangeño” o Bidang Batangueño si Police Lt. Maria Camille Cabasis ng Bayan ng Lian, Batangas, matapos itong hiranging Top Cadet ng Philippine National Police Academy “Layag-Diwa” Class of 2024.

Ang paggawad ng komendasyon ay ginanap sa harap ng kawanihan ng Kapitolyo, sa pangunguna ni Vice Goveror Mark Leviste, kasama ang mga kasapi ng Sangguniang Panlalawigan.

Sa kanyang ipinakitang dedikasyon at pagsisikap, nanguna si PLt. Cabasis sa kanyang klase, daan upang makamit nito ang komendasyon bilang Top 1 sa kanilang kursong Bachelor of Science in Public Safety, at nakuha rin ang mga pagkilala bilang Best in Laws or Jurisprudence at Best in Police Administration.

Ginawaran din siya ng Presidential Kampilan Award ni President Ferdinand Marcos, Jr. sa isinagawang pagtatapos noong Abril 19, 2024.

Nauna rito, naging topnotcher rin si Cabasis sa Criminology Board Exam noong 2019, na may markang 89.45%.

Sa harap ng kanyang mga magulang at opisyal ng Kapitolyo, taos-puso itong nagpasalamat sa mga gumabay at sumuporta sa kanyang paglalakabay upang maging isang distinguished cadet at ngayon nga ay kasapi na ng Philippie National Police.

Sa kanyang pagbabalik tanaw, sinabi nitong napakalaking tulong ang pagiging isang iskolar sa ilalim ng Batangas Provincial Scholarship Program sa pamunuan ni Governor Dodo Mandanas nang siya ay nag-aaral pa sa Batangas State University-ARASOF Campus sa Nasugbu.

Bilang isang Batangueña, buong puso at gilas aniyang hinarap ang mga hamon ng mahirap at istriktong pamantayan sa academics at Cadet Training na inilalatag ng PNPA para sa mga police cadets nito.

Pagbibirong wika nga ni PLt. Cabasis, ginamit niya ang likas ng taglay ng mga Batangueño na “yabang at tapang” upang maging rallying point sa pagkamit ng pagiging Top Cadet sa kanilang batch, na binubuo ng 182 na mga lalaki at 41 na mga babae.

Sa kanyang pagtatapos, hinikayat nito ang mga kabataang Batangueño na huwag titigil sa kanilang pag-abot sa mga pangarap, gayun din sa pagsusumikap at paggawa kung ano ang nasa kanilang mga puso, kahit pa umano ang kanilang mga pangarap ay dadaan sa mga “roads less travelled.”

Edwin V. Zabarte / Photo: Francis Milla – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.