Batangas Governor Mandanas, Atty. Angelica Chua, ikinasal na; Palitan ng Wedding Vows ng newly-wed couple, nakaantig sa marami

Notice of Vacant Positions
May 7, 2024
Invitation to Bid – Goods (May 29, 2024)
May 10, 2024

May 9, 2024

“..Mahal, I came here not only with own free will, but full of love. Love which I know is a blessing from our Lord. That we are allowed permitted, granted…to share and to participate. Because God is Love and Love is God.”

Ito ang naging madamdaming bahagi ng wedding vow ni Batangas Governor Hermilando Mandanas sa kaniyang kabiyak na si Attorney Angelica Austria Chua matapos na magpalitan ng “I Do” ang dalawa sa harap ng altar ng Minor Basilica and Parish of the Immaculate Conception sa Lungsod ng Batangas noong ika-8 ng Mayo 2024.

Pinag-isa ng Diyos, Pangako ng Pag-ibig

Ang misa sa espesyal na araw ng pag-iisang dibdib o celebration of marriage ng gobernador at lawyer partner nito ay pinangunahan at pinangasiwaan ni Most Rev. Gilbert Garcera, ang Arsobispo ng Lipa. Kaisa ang mga pamilya, malalapit na kaibigan, at mga kasamahan sa trabaho, tunay na inabangan at tinutukan din ng libo-libong mga Batangueño ang tinaguriang “much-awaited wedding“ ng taon sa Lalawigan ng Batangas.

Personal na dumalo sa idinaos na seremonya si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at kaniyang kabiyak na si First Lady Liza Araneta-Marcos, na pawang mga Principal Sponsors ng mag-asawang Mandanas. Kabilang din sa mga Ninong at Ninang ng newly-wed couple sina Former President at ngayo’y Pampanga 2nd District Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo at President and Chief Executive Officer ng San Miguel Corporation na si Ramon S. Ang.

Sumaksi rin sa ginanap na kasalan sina House Speaker at Leyte 1st District Representative Martin Romualdez, mga congressmen at congresswomen, Local Chief Executives mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa probinsya, mga tagapamuno ng ilang ahensya ng pamahalaan, mga miyembro ng hudikatura, at iba pang mga personalidad sa larangan ng public service.

Napuno ng kagalakan ang simbahan nang magsimulang maglakad patungong altar si Atty. Chua, kasama ang kaniyang mga magulang na sina Dr. Wilson Chua, na nagmula sa pamilya ng mga lingkod bayan sa Bayan ng Ibaan, at Judge Maria Cecilia Austria Chua, na kilalang Executive Judge sa Lungsod ng Batangas at isa sa mga unang naging katuwang ni Gov. Mandanas sa pagsusulong ng Mandanas Ruling.

“..grow old with you”

Naging emosyonal naman ang lahat sa ibinahaging wedding vow ni Atty. Chua sa punong lalawigan ng Batangas. Ipinaramdam aniya sa kaniya ng ama ng lalawigan na karapat-dapat siyang mahalin at respetuhin, sa kabila ng kaniyang mga naunang naranasang kabiguan sa pag-ibig.

“I’ve had my heart broken so many times that I guarded up and raised my standards so high, so high no one was supposed to reach it so I won’t get hurt again, until you came. You showed me that I deserved to be loved and respected, that with you, I can put my guard down,” saad ni Atty. Chua.

Nagpasalamat din ang abogada sa ipinakitang lakas ng loob ni Gov. Mandanas noong mga panahon na sila ay nasa simula pa ng kanilang relasyon o estado pa ng pagliligawan, at kalaunan ay pagpili na makasama siya habang buhay. Nangako rin ang bride na si Atty. Chua na mananatili siyang matatag at laging nakasuporta sa gobernador sa lahat ng oras.

“Thank you for having the courage to ask me to be your Valentine and for choosing to spend the rest of your life with me. Today, in front of God, our families, and friends, and of all the Batangueños, I promise to be strong for you, to support you, to always be by your side, and to take good care of you…and if there’s one thing I’d ask of you, it is for you to promise to stay for as long as you can so I can grow old with you.”

Matapos ang palitan ng “I Do” at pangako sa isa’t isa, napuno naman ng hiyawan at kasiyahan ang Minor Basilica nang pormal nang i-anunsyo ni Most Rev. Garcera na tapos na ang kasal at pormal nang mag-asawa ang dalawa. Nagkaroon din ng bukod na reception o salu-salo sa simbahan, na dinaluhan ng humigit-kumulang sa 500 na mga nag-paabot ng pagbati sa mag-asawa, kasama ang halos 200 na mga pari.

Simula ng bagong yugto, nagmamahalang mga puso

Tila isang simbolo ng biyaya ang pagkakaroon ng maaliwalas at magandang panahon simula nang ganapin ang wedding ceremony, hanggang sa maidaos ang reception sa teresang marmol, sa harapang bahagi ng mismong gusali ng Kapitolyo ng Batangas.

Umayon naman sa tingkad ng mga naggagandahang pailaw at nakakaakit na flower arrangement sa venue ng reception ang naging mainit na pagsalubong sa mag-asawa ng halos 600 na bisita. Ang bagong kasal ay nagkaroon ng grand entrance o pagdungaw sa balkonahe ng capitol building, tanda ng kanilang matagumpay na pag-iisang dibdib.

Naging bahagi ng reception program ang muling pagbibigay ng mensahe ng dalawa sa isa’t isa. Ayon kay Gov. Mandanas, nawa aniya na ang kanilang pagsasama ay makatulong sa pagkakaroon ng tunay na masagana at masayang buhay sa Lalawigan ng Batangas.
Binigyang-diin din ng gobernador na, “In our relationship we should not be boring. Nakita naman ninyo kapag si Angelica ang kasama, we can assure you it will never be boring.”

Samantala, nagbigay-pagkakataon naman kay Atty. Chua-Mandanas na maipakilala sa publiko ang kaniyang sarili. Siya aniya ay tumatayong partner sa Platon-Martinez Law office sa Makati, habang ang kaniya namang mga kapatid ay pawang mga propesyonal o nasa larangan ng medisina at abogasya.

Nagpasalamat din ito sa pamilya ni Gov. Mandanas, higit lalo sa mga kapatid nito sa pagtanggap sa kaniya ng buong-puso. “I would like to thank the Mandanas family for welcoming me with open arms,” tugon niya.

“Sa totoo lang, noong una kaming nag meet ng siblings ni Gov., takot na takot talaga ako…but they were very, very welcoming. Thank you very much po.”

Samantala, napanood naman ng mga Batangueño at iba pang mga nag-nais sumaksi sa wedding ceremony sa pamamagitan ng pag-live streamin nito sa Facebook page ng Batangas Provincial Information Office, na sinundan din kaagad ng live streaming ng unang bahagi ng reception program.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO/
Photos: Francis Milla & MacVen Ocampo

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
25

Comments are closed.