Batangas Capitol, dumaan sa Regional Assessment para sa Seal of Good Local Governance

Notice of Vacant Positions
June 7, 2024
Notice of Vacant Positions
June 11, 2024

June 7, 2024

Sumailalim ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa Regional Assessment para sa Seal of Good Local Governance (SGLG) ngayong araw, ika-7 ng Hunyo 2024, sa Provincial Planning and Development Office (PPDO) Conference Room, Kapitolyo, Lungsod ng Batangas.

Pinangunahan ang pagtatasa ng Regional Assessment Team, na binubuo ng mga provincial directors ng Department of the Interior and Local Government (DILG) – CALABARZON, iba pang mga opisyal ng DILG, at miyembro ng academe at non-government organizations.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Provincial Administrator Wilfredo Racelis, na kumatawan kay Gov. DoDo Mandanas, na ang isinagawang pagtatasa ay isang “major indicator” kung paano isinasagawa ng pamahalaang panlalawigan ang serbisyo publiko. Ipinaalala rin niya na kung hindi man pumasa sa ilang larangan, hindi ito nangangahulugan na pagkabigo, kung hindi ng pagkakataong pagbutihin pa ang mga gawain sa mga susunod na mga pagkakataon.

Dumaan sa pagsusuri ang mga tanggapan ng Kapitolyo, base sa 10 key governance areas, kabilang ang Financial Administration and Sustainability; Disaster Preparedness; Social Protection and Sensitivity; Health Compliance and Responsiveness; Sustainable Education; Business-Friendliness and Competitiveness; Safety, Peace and Order; Environmental Management; Tourism, Heritage Development, Culture and Arts; at, Youth Development.

Sa exit conference, ibinahagi ng mga evaluators, sa pangunguna ni DILG 4A Assistant Regional Director Darrel Dizon, matapos ang masusing pagsusuri ng mga isinumiteng dokumento, panayam, at onsite inspections, na nakapasa at maayos na naisagawa ng pamahalaang panlalawigan ang malaking bahagi ng mga governance areas, subalit mayroon pa ring mga pamantayan na hindi naabot ang kinakailangang marka.

Hamon naman ni DILG – Batangas Provincial Director Allan Benitez na kinakailangan talagang seryosohin ang pagtalima sa mga panuntunan ng SGLG, kung gusto talaga ng pamahalaang panlalawigan na makamit ang pagkilala. Dagdag niya na laging nakahanda ang DILG na tumulong at umalalay sa “kanilang mga kalalawigan” sa Batangas.

Ibinahagi rin ni PPDO-OIC, Environmental Planner Marissa Mendoza, na ang pagtugon upang maabot ang mga pamantayan ng SGLG ay isang “commitment” para mas mapagbuti ang serbisyo publiko, tungo sa tuloy-tuloy na pag-unlad ng buhay ng mga kababayang Batangueño. V. Altar / Photos: Macc Venn Ocampo – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.