Bago at Ganap na Batangas, aabangan sa administrasyon ni Gov. Mandanas

Kapakanang Pantao Prayoridad ng Administrasyong Mandanas
July 5, 2016

Muli mang bumalik si Governor Hermilando I. Mandanas para mamuno sa Batangas ngunit isang bago at ganap na lalawigan ang kanyang ipinangako sa harap ng kanyang mga taga-suporta sa ginanap niyang inauguration and oath taking ceremony sa Provincial Auditorium noong ika-30 ng Hunyo.

Bago pormal na magsimula ang panunungkulan ni Gov. Mandanas, isang pasasalamat ang inihandog niya sa Panginoon sa pamamagitan ng isang concelebrated mass na pinangunahan ni Archbishop Ramon Arguelles kasama ang ilang kaparian. Ang nasabing misa ay pinagsaluhan niya at ng kanyang pamilya, mga tagasuporta at mga empleyado ng Kapitolyo.

Matapos ang komunyon ay hiniling na ikaloob ang ilang minuto para sa panunumpa sa katungkulan ni Governor Mandanas sa harap ni Judicial and Bar Council Member at Retired Supreme Court (SC) Associate Justice Angelina Sandoval-Gutierrez. At makapanumpa ay taos-puso niyang pinasalamatan ang Diyos at ang buong lalawigan para sa banal na pagkakataon na maglingkod muli bilang ama ng Batangas.

Nakapaloob sa kanyang oath-taking address ang adhikain niyang magkaroon ng isang bago at ganap na lipunan, at makamit ang kaginhawahan sa pangunahing pangangailangan, at maabot ang matayog na hangarin sa buhay.

Ang kanyang administrasyon ay tututok sa paghahatid ng pangunahing paglilingkod na abot sa lahat ng mamamayan sa larangan ng kalusugan, pag-aaral, pangkakabuhayan at mga pagawaing bayan o kanyang HELP (Health, Education, Livelihood and Projects) program.

Hangad ni Governor Mandanas na maisulong ang turismo,  pangalagaan ang kalikasan, magpapagawa ng mga bagong kalsada at tulay, food terminals, pabahay, daungan, paliparan, riles ng tren, patubig at iba pa. Dito ay ipapamalas niya ang katapatan at kakayahang harapin ang marami pang pangangailangang panlipunan na walang pasubaling niyang sasalubungin sa loob ng tatlong taon.

Target niya ang magbigay nang walang bayad na gamot at doktor, at mataas na antas na pag-papagamot sa hindi kukulangin sa 500,000 Batangueño; tumulong sa pagpapaaral sa higit na 50,000 estudyante sa Batangas; magbigay ng bagong hanap-buhay at pagkakaroon ng  pangkabuhayan sa 100,000 bagong manggagawa sa loob lamang ng Batangas; magkaloob ng tulong pinansyal sa inaasahang 200,000 katao na nakakaranas ng mahigpit na pangangailangan; magpatayo ng makataong gusali para sa kulungan at rehabilitasyon para sa mga usaping may kinalaman sa ipinagbabawal na gamot; paunlarin ang mga pagamutan at pagkakaloob ng sapat na gamot, kagamitan, doktor at nurses para sa 12 panlalawigang ospital, kulungan at sentrong pang-komunidad; at maglagay ng WIFI zones sa buong Lalawigan ng Batangas.

Malinaw na isinaad sa pananalita ni Governor Mandanas ang kanyang totoo at tunay na pananaw itaguyod ang Lalawigan ng Batangas bilang isang matatag na lipunang may sariling kakayahan, magiting na Filipino, Maka-Diyos, Makatao, Makabayan at Makakalikasan. By: Kristina Marie Joy B. Andal.

Please follow and like us:
fb-share-icon
Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Leave a Reply