49th Nutrition Month, Ipinagdiwang sa Lalawigan ng Batangas

Supplemental Project Procurement Management Plan (2023)
August 1, 2023
2022 Outstanding Nutrition Program Implementers ng Batangas Province, Binigyang-pagkilala ng Pamahalaang Panlalawigan
August 3, 2023

August 3, 2023

Sa gabay ng temang “HEALTHY DIET gawing affordable FOR ALL,” ipinagdiwang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangangasiwa ng Provincial Nutrition Council (PNC) at sa pangunguna ng Provincial Health Office (PHO), ang 49th Nutrition Month sa pamamagitan ng isang culminating activity nitong Lunes, ika-31 ng Hulyo 2023, sa Regina R. Mandanas Memorial DREAM Zone, Capitol Compound, Lungsod ng Batangas.

Pinasimulan sa isang healthy recipe cooking contest ang selebrasyon, kung saan ibinahagi ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang bayan ang kani-kanilang mga putahe na masustansya at, higit sa lahat, pasok sa budget ng pamilya. Nanguna sa panlasa ng mga hurado ang AMFI fish balls ng Taysan, sinundan ito ng Camote Ala Cordon Bleu ng Mataas na Kahoy at Veggie Embutido ng Alitagtag.

Bukod dito, muling isinagawa ang Community Food Market, katuwang ang Office of the Provincial Agriculturist (OPAg), upang ihatid sa publiko ang mga murang bilihin na makatutulong sa pagtitiyak na nakukuha ng bawat Batangueño ang nutrisyong kinakailangan. Namahagi rin ang OPAg ng vegetable seeds na maaaring itanim sa bakuran upang mas maging abot-kamay ang mga gulay at makabawas na rin sa gastusin.

Naghatid naman ng libreng diet counseling ang mga nutritionist dietitians ng PHO batay sa gabay ng Food and Nutrition Research Institute – DOST. Ilan sa kanilang mga ibinahagi ang low sodium diet para sa mga hypertensive, low purine diet para sa mga may arthritis, at low cholesterol diet para sa mga matataas ang triglycerides at ibang lipids.

Dagdag pa rito, nakatanggap ng multi-vitamins ang mga kawani ng Kapitolyo at Barangay Nutrition Scholars na dumalo sa nasabing pagdiriwang.

Naging bahagi rin ng programa ang pagpili ng mga nagwagi sa ginanap na poster making contest. Mula 31 kalahok, nakuha ni Diana R. Gamboa mula sa Payapa National High School, Lemery ang unang puwesto, habang pumangalawa si Cathy B. Tenorio ng Tuy National High School at nagkamit ng ikatlong puwesto si Armina Celine Kyle M. Andulan ng Balayan National High School.

Sa naging mensahe ni PHO Head, Dr. Rosvilinda M. Ozaeta, binigyang-diin niya na hindi sa presyo nasusukat ang sustansyang taglay ng pagkain. Hindi kailangang bumili ng mahal na produkto upang makuha ang mga wastong nutrisyon na kinakailangan ng katawan.

Personal na dumalo sa selebrasyon ang mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan, sa pangunguna nina Gov. DoDo Mandanas, Vice Gov. Mark Leviste, at mga board members ng Sangguniang Panlalawigan, kasama si Anakalusugan Representative Ray Florence Reyes.

Gian Marco Escamillas / Photos by Francis Milla — Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.