March 19, 2024
Muling nagtipon ang mga employers at job seekers sa isinagawang Job Fair ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Provincial Assistance for Community, Public Employment and Youth and Sports Development Office (PACPEYSDO), ngayong ika-19 ng Marso 2024 sa Regina R. Mandanas Memorial DREAM Zone, Capitol Compound, Batangas City.
Nasa labing-apat na mga rehistradong lokal na kumpanya at pitong overseas recruitment agencies ang nakiisa sa naturang job fair, na nilahukan naman ng may mahigit sa 400 na mga naghahanap ng trabaho.
Tampok sa aktibidad ang naging pagbabahagi ng mga partner companies at agencies ng kanilang mga programa at pagsasanay, na maaaring ipagkaloob sa publiko para sa pagpapaunlad ng kabuhayan.
Ang job fair ay naisakatuparan ng PACPEYSDO, sa inisyatibo ng Batangas Provincial Public Employment Service Office (PESO), katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Migrant Workers (DMW), Department of Trade and Industry (DTI), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), upang matulungan at makahanap ng angkop na trabaho ang mga Batangueño at nakatira sa mga karatig probinsya.
Aktibo ring nakibahagi sa naturang pagtitipon sina Vice Governor Mark Leviste, 5th District Senior Board Member Maria Claudette Ambida Alday, si 6th District Board Member Bibong Mendoza, at Provincial Administrator Wilfredo Racelis, na kumatawan kay Governor DoDo Mandanas.
Samantala, nagsagawa rin ng Libreng Gupit ang tanggapan ni Vice Governor Mark Leviste, sa pakikipag-ugnayan sa Reyes Haircutters Batangas, sa DREAM Zone na kasabay ng job fair. Naging bukas ito para sa lahat, na bahagi pa rin ng pagdiriwang ng National Women’s Month ngayong buwan ng Marso.
Batangas Capitol PIO – Edz Zabarte, Ornald Tabares Jr., Mac Ocampo, Froilan Salcedo