Sa kabila ng umiiral na pandemya, ipinakitang muli ng mga Batangueño ang pagiging matulungin at mapagkawang-gawa sa matagumpay na Blood Donation activity na ginanap sa Provincial DREAM Zone, Capitol Compound, Lungsod ng Batangas noong ika-14 ng Oktubre 2020.
May temang “Blood Sparks for Life – Give Blood, Spark A Life” ang blood-letting project kung saan 40 na bag ng dugo ang nakalap sa ng Batangas Provincial Blood Council, sa pangunguna ng Provincial Health Office.
Nagmula ang mga donors sa mga Lungsod ng Batangas at Lipa; Bayan ng Bauan, Malvar, San Pascual, San Jose at Alitagtag; Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, Ospital ng Lipa at Philippine Air Force.
Pinasalamatan naman nina Gov. DoDo Mandanas at Provincial Health Officer, Dr. Rose Ozaeta, ang mga nagbigay ng dugo at tumulong upang maisakatuparan ang nasabing aktibidad, kabilang ang mga miyembro ng Batangas Blood Council at mga student organizations ng Unibersidad ng Pilipinas na Scintilla Juris Fraternity, Astrum Scientis Sorority at Stell Juris Sorority.
Ayon naman kay Dr. Mark Gamo, medical specialist sa Batangas Medical Center, na kabilang sa mga sumuporta sa gawain, malaking tulong ito upang masigurong may sapat na dugo sa lalawigan para sa mga pangangailangang medikal.
Mon Carag – Batangas Capitol PIO