July 13, 2024
Nakiisa ang Lalawigan ng Batangas sa pagdiriwang ng “National Arbor Day” na isinasagawa tuwing ika-25 ng Hunyo bawat taon.
Ang Arbor Day sa Pilipinas ay naitatag sa pamamagitan ng Proclamation No. 643 at Republic Act No. 10176 na nagbibigay-diin sa pangangailangang isulong ang isang malusog at maayos na ecosystem para sa mga tao sa pamamagitan ng pagtatanim, rehabilitasyon, pagpapanumbalik at pagpapanatili ng isang malinis at luntiang kapaligiran.
Ganundin, ipinasa ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas ang Provincial Ordinance No. 14, Series of 2017, na nagdedeklara ng pagdiriwang ng Batangas Province’s Arbor Day tuwing huling araw ng Biyernes ng Hunyo kada taon sa buong lalawigan.
Kaugnay nito, ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa patuloy na direktiba ni Governor DoDo Mandanas, at sa pamamagitan ng Provincial Government Environment and Natural Resources Office (PGENRO), ay nagtanim ng may kabuuang 500 na mga native na punla ng Narra, Molave, Bitaog at Kupang sa Barangay Nasi, Rosario, Batangas. Ang mga nasabing punla ay kaloob ng JG Summit Petrochemicals Group.
Kasama sa ginawang pagtatanim ang mga pinuno at kawani ng Pamahalaang Bayan ng Rosario, Department of Education, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, mga opisyal at functionaries ng Barangay Nasi at Armscor Golden Defence, Inc.
Magsasagawa ng regular monitoring ang PGENRO upang matiyak na napapangalagaan ng tama ang mga itinanim na punla para mabuhay at tuloy tuloy ang paglaki at kaligtasan.
Samantala, nagsagawa din ng pagtatanim ng mga puno at halaman ang mga bayan sa lalawigan kaugnay ng Arbor Day, katulong ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan, kabilang ang mga korporasyong pag-aari at kontrolado ng gobyerno, pribadong sektor, mga paaralan, mga grupo ng lipunang sibil at mga mamamayan. PGENRO – Batangas Capitol PIO