Batangas Blood Council, mga tagapagsulong ng NVBSP, muling kinilala ng DOH-CHD CALABARZON

Invitation to Bid INFRA (C) – April 15, 2025
March 27, 2025
 Supplemental Bid No1. for Project C-011
March 28, 2025

March 27, 2025

Isang natatanging pagkilala at parangal ang muling ipinagkaloob ng Department of Health – Center for Health Development (DOH-CHD) CaLaBaRZon sa Batangas Provincial Blood Council bilang pasasalamat at rekognisyon sa natatangi nitong kontribusyon at pagsuporta sa National Voluntary Blood Services Program (NVBSP).

Ang katibayan ng pagkilala ay iginawad sa ginanap na Gawad DUGONG CALABARZON at Regional Blood Program Implementation Review ng DOH-CHD IV-A, sa ilalim ng pangangasiwa ng Regional VBSP nito, noong ika-26 ng Marso 2025 sa Alabang, Muntinlupa City. Pinangunahan ang naturang programa ni Assistant Secretary of Health, Dr. Ariel Valencia.

Kinilala ang blood council ng probinsya sa panrehiyong antas para sa naging mahalagang ambag, pambihirang pagsisikap, walang tigil na suporta, at pagiging palagiang katuwang upang maisakatuparan ang mga layunin at adhikain ng blood services program ng bansa, na nagpapaigting din sa pagsusulong ng mga adbokasiya para sa pagkakaroon ng sapat at ligtas na dugo, hindi lamang sa probinsya kung hindi pati na rin sa buong rehiyon ng CALABARZON.

Matatandaan na noong taong 2024, nakapagtala ang Lalawigan ng Batangas ng 170. 2% accomplishment report para sa koleksyon ng dugo sa buong probinsya. Mas tumaas ito kumpara sa 137% na nakamit noong taong 2023. Sang-ayon sa recommended target ng World Health Organization, kinakailangan lamang na magkaroon ng hindi bababa sa 1% ng kabuuang populasyon ng isang lugar ang makolektang dugo o blood collection rate upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan sa ligtas na suplay ng dugo.

Ang Provincial Blood Council ng Batangas ay binubuo ng iba’t ibang ahensya at tanggapan ng pamahalaan, gayun din ng iba pang sektor, kabilang ang ilang health at academic institutions sa lalawigan. Pinangungunahan ito ni Governor Hermilando Mandanas, bilang honorary chairperson, kasama sina Provincial Health Officer, Dr. Rosalie Masangkay, na tumatayong pangulo ng konseho; Philippine Red Cross Batangas Chapter Administrator Ronald Generoso, bilang vice president; at Police Lieutenant Manuela Cueto ng Batangas PNP, na gumaganap bilang Council chairperson.

Bukod sa parangal na iginawad sa Batangas Blood Council, binigyang-rekognisyon din ang ilang mga lokal na pamahalaan sa lalawigan na nagsilbing katuwang sa implementasyon ng NVBSP. Kabilang sa mga kinilala para sa Red Category o naabot ang 1% target ay ang mga Bayan ng San Nicolas, Malvar, Balayan, at Nasugbu.

Pinarangalan naman ang mga Lungsod ng Sto. Tomas, Lipa, Calaca, at Tanauan, at mga Bayan ng Calatagan, Taysan, at Mabini bilang awardees sa Bronze Category o mga lokal na pamahalaan na nagkaroon ng mahigit sa 1% target ng koleksyon ng dugo.

Dagdag pa rito ang Cuenca at Lungsod ng Batangas para sa Silver Category bilang mga nanguna sa pag-abot ng target, habang ipinagkaloob sa Bayan ng Alitagtag ang pinakamataas na karangalan o Gold Award bilang natatanging Local Government Unit (LGU) at top performing batay sa ipinamalas nitong performance sa nakaraang taon ng 2023 pagdating sa blood services program.

Bahagi naman ang Bayan ng Tingloy sa mga kinilalang LGUs sa rehiyon para sa Project ISLA o Inter-island Save Lives Assistance, na isang programa para maipagpatuloy ang blood services program o pagkolekta ng dugo sa mga island municipalities sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mobile blood donation.

Kasama ring nabigyan ng pagkilala ng Panrehiyong Kagawaran ng Kalusugan ang ilang mga indibidwal, samahan, ospital, at pasilidad pangkalusugan sa probinsya, gayun din ang dalawang tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, na kinabibilangan ng Provincial Health Office (PHO) at Provincial Information Office (PIO). Binigyang-rekognisyon din ang ilang mga kawani ng PHO na sina PHO Assistant Department Head, Dr. Josephine Gutierrez at Provincial Voluntary Blood Services Program Manager, Ms. Arlene Brucal, bilang mga tumatayong coordinators ng programa para sa lalawigan.

Ang mga pagkilalang nakamit ng bawat isang lokal na pamahalaan, organisasyon, tanggapan, at iba pang stakeholders ay simbolo ng pangkahalatang pagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagtutulungan at pagkakaisa para sa kalusugan at buhay ng tao. Nagbibigay inspirasyon ito upang mas mapalaganap pa ang importansya ng boluntaryong pagbibigay ng dugo, nang sa gayon ay magkaroon ang rehiyon ng maayos na access sa sapat, may mataas na kalidad, at libreng blood-related products.

Naging kinatawan ng blood council sa pagtanggap ng mga pagkilala sina DOH – Batangas Team Leader, Dr. Eloisa Derain; PHO Assistant Department Head, Dr. Gerald Alday; Provincial VBSP Manager, Ms. Arlene Brucal; Council Vice President Ronald Generoso; Council Chairperson Manuela Cueto; at iba pang mga miyembro ng konseho mula sa Batangas Medical Center at Batangas PIO.

Ang idinaos na programa ngayong taon ay ginabayan ng temang, “Kahusayan, Kadakilaan, at Kabayanihan: Iisang Rehiyon, Iisang Misyon.”

Mark Jonathan M. Macaraig / Photos: Millicent Ramos – Batangas Capitol PIO

Please follow and like us:
fb-share-icon
Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.