August 7, 2021
Umabot na sa 562,523 ang kabuuang bilang ng mga nabakunahan sa Lalawigan ng Batangas, ayon sa pinakahuling datos mula sa Provincial Health Office.
Sa nasabing mga nabakunahan, 171,196 ang nakatanggap na ng ikalawang dose ng bakuna, samantalang 391,327 ang mga indibidwal na naturukan na ng unang dose. 66,282 ang nabakunahan ng Jansenn vaccine na single-dose lamang.
Ayon kay Dr. Rosvilinda Ozaeta, Provincial Health Officer ng lalawigan, tuloy-tuloy ang pagbabakuna katuwang ang mga local government units, rural health units, at mga pribadong ospital.
Paalala naman ni Batangas Inter-Agency Task Force Incident Commander, Dr. Gerald Alday, sa mga nakatanggap na ng kanilang ikalawang dose na hindi pa sila kaagad masasabing fully-vaccinated dahil kinakailangan pa ng 14 na araw upang makapaggawa ang katawan ng antibodies laban sa COVID-19 virus.
Patuloy din ang paghikayat ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ni Gov. DoDo Mandanas, sa mga Batangueño na magpabakuna upang maiwasan ang malalang epekto ng virus.
Mon Antonio A. Carag III – Batangas Capitol PIO