160 na mga retiradong opisyal ng barangay o barangay functionaries ang nakatanggap ng cash incentive mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas kaugnay sa proyekto nitong Provincial Service Incentive (PSI) noong ika-7 at 8 ng Abril 2021 sa Kapitolyo, Lungsod ng Batangas.
Ang PSI, na itinadhana ng Sangguniang Panlalawigan Ordinance No. 5-2017, ay isang paraan ng pasasalamat ng pamahalaang panlalawigan, sang-ayon sa tagubilin ni Gov. DoDo Mandanas, sa mga barangay workers na boluntaryong naglilingkod at nag-aalay ng kanilang oras at serbisyo para sa kanilang mga komunidad. Bukod sa financial incentive, binigyan din ng Katibayan ng Pagkilala ang mga Batangueño at Batangueña public servants.
Pinangunahan ng Provincial Assistance for Community Development Office (PACD), na pinamumunuan ni Ginang Fredesvinda Mendoza, ang pamamahagi ng PSI, na may kabuuang halagang halos P900,000. Ang PACD rin ang namahala sa assessment ng mga kuwalipikadong barangay officials mula sa iba’t ibang barangay ng Lalawigan ng Batangas.
V. Altar / Photos: Junjun De Chavez – Batangas Capitol PIO