Pagpapalakas ng Agrikultura sa Lalawigan ng Batangas, Patuloy na Tinututukan ng OPAg sa Gitna ng Pandemya

299 Batangueño Natulungan ng TUPAD Program
April 9, 2021
Service Incentive para sa mga Retiradong Barangay Officials, Ipinamahagi ng Kapitolyo
April 10, 2021

April 9, 2021

Mga Batangueño, Hinihikayat sa Pagtatanim ng mga Gulay

Walang patid ang ginagawang pagtutok ng Office of the Provincial Agriculturist sa pagpapalakas at pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura sa Lalawigan ng Batangas, lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Kaugnay ito sa iba’t-ibang mga agricultural interventions o tulong na naipapaabot ng naturang tanggapan sa mga magsasaka ng probinsya at ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa Department of Agriculture (DA) upang mas mapalawig pa ang mga programang nagbibigay-daan upang mapanatili ng lalawigan ang estado nito bilang isang highly agri-industrialized province, simula ng food supply chain, at agro-industrial corridor ng bansa.

Ibinabahagi ng OPAg, sa ilalim ng pamumuno ni Dr. Rodrigo Bautista, ang ilan sa mga benepisyarsyo na nagbibigay ng kanilang mga ani, bilang pasasalamat, sa pagiging bahagi ng matagumpay na proyekto ng tanggapan tulad na lamang ng Land Preparation Assistance at pamamahagi ng mga punla.

Sa pagsisimula naman ng buwan ng Marso ngayong taon, sa pag-aatas ni Governor DoDo Mandanas, isang potensyal na lupang taniman sa Brgy. Malainin sa bayan ng Ibaan, Batangas ang personal na binisita ni Dr. Bautista kasama ang ilang mga kawani ng OPAg. Ang naturang lupang taniman ay gagamitin para sa Crop Production Project na ang mga itatanim ay rootcrops, assorted vegetables at mais kung saan kasama na rin ang plano sa rehabilitasyon ng mga fruit bearing trees.

Sa gitna ng nararanasang pandemya, patuloy rin ang tanggapan sa pagpapahiram ng mga makinaryang makatutulong sa mga magsasakang Batangueño para sa post-harvest activities sa kanilang bukirin.

Bukod dito, hindi rin nahihinto ang pakikipag-ugnayan ng OPAg sa Kagawaran ng Agrikultura upang maging katuwang sa pagsasagawa ng mga pagsasanay. Sa parehong buwan, dalawang araw na training ang naisagawa na may kinalaman sa pagkontrol sa pesteng mango cecid fly, ito ay dahilan sa pagiging banta ng naturang peste sa produksyon ng mangga.

Nagkaroon din ng paglagda sa kasunduan o Memorandum of Agreement (MOA) Signing sa pagitan ng mga target beneficiaries at ng OPAg patungkol sa Vegetable Production Project kung saan ang benepisyaryo ay magtatanim ng isa sa tatlong commodities na kinabibilangan ng kamatis, sili, at ampalaya. Sa tulong ng inisyatibong ito, matutulungan ang mga magsasaka sa lalawigan na mapaliit ang kanilang production cost at mapataas ang kanilang ani at kita.

Bago naman matapos ang buwan ng Marso, naipamahagi ng OPAg ang tulong mula sa DA CALABARZON para sa limang napiling Organized Mango Growers Association sa Batangas. Ang Ang bawat organisasyon ay nakatanggap ng Honey bee colonies o stingless bee na magsisilbing pollinator, at kumpletong mga kagamitan na binubuo ng bee smoker, honey extractor, complete standard hive, hive tools, wax foundation, bee veil, hive stand, miticide, at kaban na naglalaman ng asukal.

Buong-pagmamalaki rin na ibinabahagi ng mga kawani mula sa Farm Support Division ng tanggapan ang sariling ani na galing sa Office of Provincial Agriculturist Demo Farm na matatagpuan sa mismong compound ng tanggapan sa Diversion Road, Bolbok, Batangas City.

Bilang tugon naman sa food sustainability at benepisyong maidudulot ngayong panahon na patuloy na nararanasan ang epektong dala ng COVID-19 pandemic, ayon sa OPAg mahalaga na naitataas ang kamalayan ng bawat isa sa Food Gardening o ang pagtatanim ng mga gulay, punong kahoy, prutas at iba pa sa tahanan sa pamamagitan ng sariling hardin o bakuran para magkaroon ng sapat na pagkain sa mga hapag kainan.

Samantala, kinikilala at pinapahalagahan naman ni Governor DoDo Mandanas ang mga natatanging kontribusyon ng mga Batangueño farmers at maging ng mga fisherfolks na nasa likod ng adhikain na mas mapaunlad pa ang sektor ng agrikultura sa probinsya.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO
with Reports and Photos from Office of the Provincial Agriculturist

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
5

Comments are closed.