September 16, 2019
Matapos kilalanin ng Department of Tourism (DoT) ang Lalawigan ng Batangas bilang isa sa Top 3 Most-Visited Tourism Destinations sa buong Pilipinas noong 2018, pinarangalan naman ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office (PTCAO), ang mga tourism providers sa lalawigan na malaki ang naging ambag sa sektor ng turismo.
Hinirang na Top Contributor sa tourism arrival para sa local government units (LGU) sector ang Lungsod ng Sto. Tomas, na kamakailan lamang ay opisyal na naging component city. Nitong nakaraang taon, ayon sa datos ng DoT, mahigit 8 milyong deboto at turista ang bumisita sa National Shrine of St. Padre Pio na nasa Barangay San Pedro ng nasabing lungsod. Bunsod nito, kinilala ring Top Contributor in 2018 para sa Tourist Arrivals for private sector ang sikat na pilgrimage site.
Kabilang din sa private sector Major Contributors for Tourism Arrival awardees ang Sea Spring Resort Inc. ng Mabini, Kabayan Beach Resort ng San Juan, Caleruega Retreat Center ng Nasugbu, at Marian Orchard Faith Foundation, Inc. ng Balete.
Kinilala din ang mga Bayan ng Balete, San Juan, Mabini, Nasugbu, Talisay at Balayan bilang Major Contributors in Tourism Arrival sa sektor ng LGUs.
Binigyan naman ng pagkilala ang Asian Terminals Inc. sa Batangas International Port, Batangas City Grand Terminal, at Batangas Venture and Management Corporation bilang mga establisimyento na pumayag na maglagay ng Tourism Information and Assistance Desks ang PTCAO.
Ang mga Sertipiko ng Pagkilala ay ipinagkaloob nina Governor DoDo Mandanas, kasama ang ilang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, at PTCAO Department Head, Atty. Sylvia Marasigan, noong ika-16 ng Setyembre 2019 sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Batangas City.
Mon Antonio Carag III – Batangas Capitol PIO