April 14, 2017
Sabi nga, ang Semana Santa ay panahon ng pag-alala sa mga kabutihan at sakripisyong ginawa ni Hesus, partikular ang mabawasan ang paghihirap ng mga tao.
Bunsod ng mga paglindol na naramdaman sa Lalawigan ng Batangas nitong Abril 4 at 8, 2017, ang banal na linggong ito ay naging paraan pa lalo upang maipamalas ang paglilingkod at pagiging bukas palad sa mga kababayang naapektuhan ng pangyayaring ito.
Noong ika-12 ng Abril 2017, pinuntahan ng mga kinatawan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ni Chief of Staff Abel Bejasa, ang mga bayan ng Taal at Bauan at Lungsod ng Batangas upang magbigay ng tulong pinansiyal at construction materials para sa dagliang pagsasaayos ng Basilica San Martin de Tours (Taal), Minor Basilica ng Immaculate Conception (Batangas City) at Immaculate Conception Parish Church (Bauan), mga simbahang higit isang daang taon nang nakatayo at mga National Historical Landmarks.
Naglaan ang Kapitolyo ng Batangas ng PhP 1 milyon bawat isa para sa mga basilica ng Taal at Batangas City, PhP 200,000 para sa Bauan church, at tag-500 na sako ng semento sa tatlong simbahan. Nakasama sa pag-aabot ng mga nasabing ayuda sina Batangas City Board Member Bart Blanco, 1st District Board Member Ramon Bausas at Provincial Engineer Gilbert Gatdula.
Noong ika-13 ng Abril 2017, Huwebes Santo, dumalaw naman ang mga taga-Kapitolyo, sa pangunguna nina Gov. Dodo Mandanas at Atty. Gina Reyes – Mandanas, sa mga bayan ng Mabini, Bauan, San Luis, Taal at Lemery upang mamahagi ng relief goods. Kasama nilang nag-ikot sa mga nasabing bayan sina Dept. of Social Welfare and Development Asst. Secretary Anton Hernandez, PSWDO Chief Joy Montalbo at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Lito Castro. Jenny Asilo Aguilera – Batangas Capitol PIO