March 25, 2025
Isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang pormal na pagpapasinaya ng dalawang gusaling pang agrikultura, ang Sec. Galicano Apacible – Batangas Province-led Agricultural and Fisheries Extension System (PAFES) Building ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) at ang Provincial Meat Processing Training and Products Exhibition Hub Building ng Provincial Veterinarian (OPV), noong ika-24 ng Marso 2024 sa Barangay Bolbok, Batangas City.
Nagkaroon din ng ceremonial distribution ng mga emergency kits, agricultural inputs, at fishing paraphernalia para sa mga magsasaka at mangingisdang Batangueño, kasama ang pagbebendisyon ng gagamiting Animal Rescue Vehicle ng pamahalaang panlalawigan.
Ginanap din dito ang opisyal na paglagda sa Usufract Agreement para sa Batangas Cacao Processing Facility at ang Swiss Embassy Grant for Cacao Research and Development sa pagitan ng pamahalaang panlalawigan, Batangas State University at Pamahalaan ng bansang Switzerland na may kaugnayan sa pagpapalakas at pagpapalago ng industriya ng Cacao sa Lalawigan ng Batangas. Isa pang Usufruct Agreement ang pinagkasunduan para naman sa Satellite Office ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) IV-A, na magbibigay daan sa konstruksyon ng kauna-unahang tanggapan ng nasabing ahensya sa lungsod.
Dagdag pa rito, pormal na ring inilunsad ang Batangas Animal Movement Reporting Approach to Control Diseases (BARACO) Project, isang proyekto na ang pangunahing layunin ay mabawasan ang iligal na pagbiyahe at pagpapadala ng mga hayop sa lalawigan.
Dumalo rito si Governor Hermilando Mandanas, na binigyang-diin ang kahalagahan ng pagsabay sa makabagong panahon at pagkakaroon ng mga modernong paraan para mas mapabuti pa ang sektor ng agrikultura at pangisdaan.
Kasamang nakiisa sa mga aktibidad sina Vice Governor Mark Leviste; Atty. Angelica Chua-Mandanas; Provincial Agriculturist, Dr. Rodrigo Bautista, Jr.; Provincial Veterinarian, Dr. Romelito Marasigan; at Provincial Government – Environment and Natural Resources head, Mr. Luis Awitan.
24 na mga kooperatiba at organisayon naman ang nakilahok sa idinaos na Community Food Market ng OPAg na kinatampukan ng iba’t ibang mga produkto mula sa lalawigan.
Almira Elaine Baler / 📸 FRANCIS MILLA | BATANGAS PIO