October 15, 2024
Tatlong magsasaka at dalawang mangingisda ang pinarangalan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg), sa isinagawang selebrasyon ng Batangas Farmers and Fisherfolks’ Day 2024 noong ika-11 ng Oktubre 2024, sa OPAg Demo Farm, Diversion Road, Brgy. Bolbok, Batangas City.
Kinilala ang pagsisikap at dedikasyon nina Danilo S. Cahigan ng Bayan ng Lian bilang Outstanding Rice Farmer, Vivincio N. Morados ng Bayan ng San Jose bilang Outstanding Corn Farmer, at Jayson C. Vergara ng Bayan ng Padre Garcia bilang Outstanding Vegetable Farmer. Gayundin, tinanggap ng mga mangingisda mula sa Bayan ng Lemery na sina Brynne P. Mamauag at Marianito A. Rollo ang gawad na Outstanding Fisherfolk.
Nauna rito, maagang nagtungo at nakiisa si Governor Hermilando Mandanas sa ginanap na Banal na Misa, na sinundan ng kaniyang pagbibigay ng mensahe ng pasasalamat sa mga magsasaka at mangingisdang Batangueño. Dito ay binigyang-diin ng punong lalawigan ang mahalagang ambag, sipag, at tiyaga ng bawat isang naglilingkod sa sektor ng agrikultura, na aniya ay malaking bahagi sa pagtataguyod at pagpapataas ng antas ng agrikultura sa probinsya.
Samantala, napuno ng mga mamimili ang paligid ng tanggapan sa idinaos na ‘Palengke Day,’ kung saan tampok dito ang samu’t saring mga panindang gulay, prutas, fresh meats, at iba pang local Batangueño delicacies and products.
Mula sa mahigit 40 exhibitors ay pumili ang OPAg ng Best Booth sa ilang kategorya. Iginawad sa Batangas Banana Growers Federation ang Most Innovative Design, habang hinirang na Most Organized ang Batangas Cacao Growers Association. Ipinagkaloob naman sa Batangas Coffee Farmers’ Federation ang Best Customer Experience. Ang mga naturang samahan ay tumanggap ng plaque of recognition at perang nagkakahalaga ng ₱10,000.
Kasama ni Governor Mandanas na nakisaya sa naturang pagdiriwang ang kaniyang maybahay na si Atty. Angelica Chua-Mandanas, Chief of Staff at Provincial Information Officer Maria Isabel Bejasa, Provincial Administrator Wilfredo Racelis, at ilang mga puno ng tanggapan, opisyal, at kawani ng pamahalaang panlalawigan.
✎ Gian Marco / Mark Jonathan Macaraig
📷 Karl Ambida / Macven Ocampo
Batangas Capitol PIO