ASEAN Batangas Access Zone turn-over, Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolks isinagawa sa Batangas

Supplemental Bid No. 1 for Project Number Q-032 (October 22, 2024 Bidding)
October 10, 2024
Mga Natatanging Magsasaka at Mangingisda, Kinilala ng OPAg
October 15, 2024

October 12, 2024

Pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, katuwang ang Department of Agriculture (DA) at Department of Public Works and Highways (DPWH), ang turn-over ng ASEAN Batangas Access Zone (ABAZ) at pamamahagi ng Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolks, and other Families (PAFFF) Program na ginanap sa Barangay Sta. Rita Aplaya, Lungsod ng Batangas noong ika-11 ng Oktubre 2024.

Ginanap dito ang opisyal na pagsasalin ng DPWH ng Phase 1 at Phase 2 ng ABAZ mega project sa pamahalaang panlalawigan. Pormal namang lumagda sa Memorandum of Agreement sina Gov. Hermilando Mandanas, bilang kinatawan ng Kapitolyo, at Regional Director Jovel Mendoza ng DPWH Region 4A.

Ang ABA Zone ay katuparan ng isang proyektong ipinanukala ni Gov. Mandanas, napondohan naman ng DPWH, at inaasahang lalong magpapalakas sa kalakalan at komersyo sa Lalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng pagiging isang “superport” at gateway na magkokonekta sa probinsya sa ibang bahagi ng Pilipinas at South East Asian Region para sa mas maayos at mabilis na daloy ng mga components at produkto sa larangan ng agrikultura, pangisdaan at iba pang mga industriya.

Ang isinaling bahagi ng ABAZ ay nakapaloob sa Barangay Sta. Rita Aplaya, Batangas City at Barangay Danglayan, San Pascual, habang ang susunod na mga seksyon ng project site ay aabot sa pier ng Bauan.

Nakatakdang ipagawa at mabuksan ang lugar bilang isang logistics hub, fish port, at regional food terminal, at magkaroon ng coastal access road na magkokonekta sa Batangas International Port sa Batangas City patungong Bauan Port.

Ayon kay Gov. Mandanas, ang ABAZ ay patunay sa patuloy na pagsusumikap ng pamahalaang panlalawigan na magpasigla ang ekonomiya sa Batangas at CALABARZON Region upang makalikha ng mas maraming trabaho, mas maitaguyod ang seguridad sa pagkain, at makatulong sa mga Batangueño na maramdaman ang tunay na kaunlaran sa buhay.

Nagpaabot din ang Batangas governor ng pasasalamat kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at Senator Bong Go sa suporta para sa implementasyon ng nasabing proyekto.

Samantala, ang PAFFF ay isang inisyatibong pang-gobyerno na nilikha upang magbigay ng suporta at tulong sa mga magsasaka, mangingisda, at kanilang mga pamilya na labis na naapektuhan ng El Niño.

Mahigit ₱23 Milyon na tulong pinansyal, mula sa Kagawaran ng Agrikultura, ang ipinagkaloob sa 2,375 na mga benepisyaryong mula sa mga bayan at lungsod ng lalawigan.

Nakiisa sa nasabing programa sina Department of Agriculture Assistant Secretary Daniel Alfonso Atayde, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Director Asis G. Perez, Department of Public Works and Highways Regional Director, Engr. Joel Limpengco, Department of Trade and Industry Regional Director Marissa Argente, at iba pang mga opisyal ng pamahalaang nasyunal.

Naging kabahagi rin sa pagtitipon sina Vice Governor Mark Leviste, AnaKalusugan Congressman Ray Reyes, mga Board Members ng Sangguniang Panglalawigan, Atty. Angelica Chua-Mandanas, at iba pang mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan.

Jayne Elarmo-Ylagan & Almira Elaine Baler / 📸 Junjun Hara De Chavez – Batangas PIO

Please follow and like us:
fb-share-icon
Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.