Semi-Annual Meeting ng National Immunization Program, Muling Isinagawa

11th Sandugo Awards, Ginanap
September 6, 2022
Invitation to Bid – Goods (Sep. 27, 2022)
September 7, 2022

September 7, 2022

Muling nagsagawa ng pagpupulong ang Provincial Health Office para talakayin ang National Immunization Program (NIP) nitong nakaraang Setyembre 1 at 2, 2022 sa Provincial Auditorium sa Kapitolyo, Lungsod ng Batangas.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagsagawa sila ng face-to-face na pagpupulong matapos ang dalawang taon dahil sa pandemya. Ang unang araw ay dinaluhan ng mga kinatawan mula sa District 1, 2, 5 at 6, habang ang ikalawang araw ay para naman sa District 3 at 4.

Ang NIP ay isang programa ng pamahalaan na naglalayong maprotektahan ang populasyon mula sa mga lumalaganap na sakit sa pamamagitan ng pagtuturok ng bakuna. Sa ganitong pamamaraan ay naiiwasan ang pagkakasakit at maging ang pagkamatay mula sa polio, measles, neonatal tetanus, atbp.

Kaakibat ito ng HELP Program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ni Gov. DoDo Mandanas, kung saan ang kalusugan ay kasama sa mga prayoridad.

Sa paunang pananalita ni Dr. Josephine Gutierrez, na tumayong kinatawan ni Batangas Provincial Health Officer, Dr. Rosvilinda Ozaeta, ipinaabot niya ang pasasalamat sa mga rural health units sa kanilang aktibong pakikiisa sa programang ito ng pamahalaan. Naging mabisang katuwang ang mga ito aniya ng probinsiya, lalo na sa panahon ng pandemya kung saan nagkaroon din ng pagbabakuna laban sa COVID-19.

Ayon naman kay Daisy Dalisay, Nurse III at NIP Coordinator, maganda na nakapagsagawa na sila ng face-to-face na pagpupulong dahil personal na naidudulog ng mga kasama nilang doktor, nurse at midwife sa mga LGU ang kanilang mga hinaing at nakapagbibigay sila ng mga suhestiyon dito.

Isinagawa ang updating ng Field Health Service Information System (FHSIS) para sa buwan ng Enero hanggang Hunyo 2022 na pinangasiwaan nina Ana Rosel Plata at Noel Perez.

Matapos nito, tinalakay ang Vaccine Preventable Disease Surveillance (VPDS) kung saan ipinakita ni Carla De Castro, RESU Assistant Program Coordinator, na nananatiling polio-free ang lalawigan. Dagdag pa rito, Batangas ang may pinakamababang suspected measles sa rehiyon ng Calabarzon. Patuloy ang kanilang paalala na ipagbigay-alam kaagad ang mga kaso ng mga pagkakasakit upang maisagawa ang maagap na aksyon.

Samantala, nagbahagi rin si De Castro ng ilang mahahalagang impormasyon tungkol sa Monkeypox upang maisagawa ang marapat na paghahanda sakaling makapasok ito sa mga komunidad. Sa kasalukuyan ay may apat na kaso ng Monkeypox ang bansa.

Bukod dito, nagkaroon din ng diskusyon sa Adverse Events Following Immunization (AEFI) na pinangunahan ng Provincial Department of Health Office (PDOHO). Mahalaga na masubaybayan ang AEFI upang mabigyan ng ebidensiya na higit ang kaligtasan at proteksyon na naibibigay ng mga bakuna kumpara sa mga hindi magandang pangyayari.

Sa huli, ibinahagi ni Dalisay ang kasalukuyang kalagayan ng pagbabakuna laban sa COVID-19 sa lalawigan. Nasa 95% na ng target population ang fully-vaccinated at nasa kalahati na ang mayroong first booster. Hinikayat nila na magpaturok na ng first booster ang ating mga kababayang Batangueño, maging ang second booster para sa mga senior citizen at immunocompromised.

Gian Marco Escamillas, Batangas Capitol PIO / Photos: Junjun De Chavez, Macven Ocampo

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.