PDRRMO Chief Lito Castro, Kinilala sa 35 Taon bilang Lingkod Bayan ng Kapitolyo

Notice of Vacant Positions
March 31, 2023
Notice of Vacant Positions
April 4, 2023

March 31, 2023

Binigyang-pagkilala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ni Governor DoDo Mandanas, si Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Department Head Joselito Castro para sa kanyang 35 na taon na dedikasyon sa serbisyo publiko noong Lunes, ika-27 ng Marso 2023, sa Regina R. Mandanas Memorial DREAM Zone, Capitol Compound, Batangas City.

Simula 2015, nagsilbi si G. Castro bilang Officer-In-Charge (OIC) ng Batangas PDRRMO na noo’y bahagi pa lamang ng Provincial Assistance for Community Development Office (PACD). Mula sa pagiging Assistant Department Head ng opisina sa ilalim ng Office of the Provincial Governor, naging ganap na pinuno si G. Castro noong 2019 kasabay nang pagkakatatag ng Batangas PDRRMO bilang isang bukod na departamento.

Bilang unang Department Head, nagpapakita siya ng kahusayan sa pamumuno na nagbigay ng matagumpay at epektibong pagpapatupad ng mga programa at nagbunga ng mga benepisyong pang-ekonomiya, panlipunan at pangkalikasan sa lalawigan. Kasama na rito ang pagtiyak sa kaligtasan ng mga empleyado ng Kapitolyo sa pamamagitan ng mga training at seminar para sa safety officers ng bawat tanggapan at ang pagbuo ng Provincial Capitol Fire Brigade na siyang unang reresponde sa oras ng sakuna.

Bago maging kawani ng pamahalaang panlalawigan, si G. Castro ay isang guro sa loob ng labing-isang taon sa San Pedro National High School at Timbugan National High School sa Bayan ng Rosario. Paglipat sa Kapitolyo noong 1999, naging bahagi siya ng Youth and Sports Division sa ilalim ng PACD.

Sa kanyang maikling mensahe, pinasalamatan ni G. Castro ang ama ng lalawigan sa tiwala at pang-unawa na ipinagkaloob nito sa kanya. Sumaludo at nagbigay-pugay ang pinuno sa punong ehekutibo ng lalawigan at ipinagkaloob ang isang itak o gulok mula sa Ifugao na sumisimbolo ng kasipagan, na siya namang isinasabuhay ng gobernador.

Ipinaabot din niya ang pasasalamat sa lahat ng mga ahensya ng gobyerno at punong tanggapan ng Kapitolyo na naging katuwang ng kanyang departamento sa pagpapatupad ng maagap na aksyon at pagpapaganap ng mga programa para sa kaligtasan ng mamamayang Batangueño.

Dagdag pa rito, naghandog ng isang video presentation ang kanyang mga kasamahan sa Batangas PDRRMO, kung saan hindi lamang siya naging tagapagturo at katrabaho, ngunit naging isang mabuting kaibigan sa nakararami. Ginawaran din siya ng PDRRMO ng plake ng pagkilala para sa kanyang naging matagumpay na pamumuno, at sertipiko mula sa Provincial Human Resource Management Office, na nilagdaan ng gobernador. Pinangunahan naman ni Vice Governor Mark Leviste, kasama ang ilang board members, para personal na igawad kay G. Castro ang Certificate of Appreciation mula sa lahat ng bumubuo ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas.

Gian Marco Escamillas — Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
5

Comments are closed.