Pagsasagawa ng Deworming Activitiy, Patuloy na Tinututukan ng PHO sa Gitna ng Pandemya

Pagbabalik ng Lions Club Marker, Sinuportahan sa Ginanap na Sangguniang Panlalawigan Joint Committee Hearing
January 29, 2021
Mga Serbisyong Pambeterinaryo ng Batangas OPV, Tuloy-tuloy
January 30, 2021

January 30, 2021

Sa patuloy na nararanasang pandemya na dala ng COVID-19 virus, walang-patid ang paggawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ng mga hakbang para mapababa o tuluyan nang masugpo ang naturang sakit. Kasabay nito, hindi isinasantabi ng Kapitolyo, sa pangunguna ng Provincial Health Office (PHO), na matutukan pa rin ang iba pang mga programang pangkalusugan na tutugon sa kagalingan ng bawat Batangueño, alinsunod sa direktiba ni Governor DoDo Mandanas.

Kaugnay nito, ngayong buwan ng Enero, nakikiisa ang pamahalaang panlalawigan sa 2nd Round ng National Deworming Month (NDM), na isang inisyatibo ng Department of Health, Department of Education, at mga katuwang na local government units at mga ahensya, upang mapagtibay ang paghahatid at pamamahagi ng gamot na pampurga.

Sa opisyal na programang pang-radyo ng Kapitolyo na B’yaheng Kapitolyo, ipinaliwanag ni Ms. Carlota Abratigue, Nutritionist Dietician II ng Provincial Health Office, na ang NDM ay isinasagwa ng dalawang beses sa isang taon. Magsisimula ito sa buwan ng Hulyo at magpapatuloy hanggang mapurga lahat ng batang edad 1-19 taong gulang, at ang ikalawang bahagi naman ay ginaganap tuwing Enero.

Dagdag pa ni Ms. Abratigue, mahalaga na matutukan ang aktibidad o pagsasagawa nito at maipaalam ang mga dapat gawin lalo pa at may kinakaharap na pandemya. Aniya, kung hindi masisiguro, maaaring makaapekto ang pagkakaroon ng bulate o parasitiko sa tiyan sa pagbagal ng paglaki at pag-unlad ng kaisipan ng mga bata, pamumutla o anemia sa mga adolescents, pananamlay, at pagkamatay.

“May iba’t-ibang karaniwang bulate sa tiyan tulad na lang ng ascaris o pabilog na bulate, whipworm na mas kilala bilang bulateng may manipis na bahagi na parang latigo, at hookworm o bulate na may hook sa bibig,” paliwanag ni Ms. Abratigue.

Ayon sa Nutritionist Dietitian, maduming paligid, hindi paglilinis ng katawan, hindi pagsusuot ng tsinelas kapag maglalakad sa lupang kontaminado ng itlog ng hookworm, pagsubo ng kamay at pagkain na may itlog ng iba’t-ibang uri ng bulate ang mga karaniwang pinagmumulan ng pagkakaroon ng parasitiko sa tiyan.

Sa gamot naman na dapat ipainom laban sa bulate, wala naman aniyang dapat ipangamba ang mga magulang sapagkat matagal nang ipinamamahagi ito at nakakatitiyak umano na ligtas at epektibo. Mas mainam din na purgahin ang lahat ng bata, apektado man ng bulate o hindi.

Ipinunto lamang ni Ms. Abratigue na hindi maaring bigyan ng gamot pampurga ang mga walang laman ang tiyan o gutom, sumasakit na talaga ang tiyan, may allergy o sensitibo sa pag-inom ng gamot, sobrang baba ang timbang, at may lagnat o sakit.

Ngayong panahon ng pandemya, isasagawa sa pamamagitan ng pagbabahay-bahay o fixed-post ang deworming activity. Binigyang-diin ni Ms. Abratigue na makakaasa umano na buong ingat na gagawin ang pagbibigay ng gamot at pananatilihin ang pagsunod sa infection prevention control measures at COVID-19 minimum health and safety protocols.

Ipinaalala rin nito na ugaliing sundin ang Water, Sanitation and Hygiene o W.A.S.H. strategy, tulad ng madalas na paghuhugas ng kamay bago at pagkatapos kumain at gumamit ng palikuran; pag-inom ng malinis na tubig; paghugas at pagluto nang mabuti ng mga pagkain; at pagpapanatili ng kalinisan sa katawan at kapaligiran.

Samantala, tuloy-tuloy naman ang PHO, na pinamumunuan ni Dr. Rosvilinda Ozaeta, sa paglalatag ng mga programang pangkalusugan sa kabila ng matinding epekto ng COVID-10 pandemic. Ito ay bilang pagpapahalaga at pagbibigay prayoridad sa kalusugan ng mga Batangueño na bahagi ng H.E.L.P Program (Health, Education, Livelihood, and Protection of Life, Property, and Environment) na governance thrust ni Governor Mandanas.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO / Photo: Nutritionist PHO Facebook Page

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.