November 27, 2019
Naging matagumpay ang isinagawang Orientation Seminar na may kinalaman sa Livelihood Program para sa mga Persons with Disabilities ng Bayan ng Bauan, na may temang “Kaalaman at Kasanayan para sa mga Taong May Kapansanan,” sa pangunguna ng Federation of Persons with Disabilities of the Province of Batangas Inc. (FPDPBI).
Ang nasabing programa ay ginanap noong ika-22 ng Nobyembre 2019 sa Bauan Municipal Hall Training Center at dinaluhan ng 40 partisipante na binubuo ng mga PWD Coordinators mula sa iba’t-ibang barangay ng nasabing bayan.
Dito ay nabigyan ang mga dumalo ng libreng orientation para sa iba’t-ibang livelihood programs na kinabibilangan ng cellphone repair, manicure and pedicure, at soap making na inaasahang makakatulong sa kanilang kabuhayan sa layon na rin na maitaas ang antas ng pamumuhay ng mga taong may kapansanan sa Bauan.
Nagsilbing resource speaker sa ginanap na 1 day orientation si Ms. Susan Faltado na isang TESDA Specialist.
Sa mensahe ni FPDPBI President Nelson R. Adante, na isa ring kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, lubos ang kaniyang kasiyahan at pasasalamat sa taos pusong suporta ng lahat ng bumubuo ng Pamahalaang Lokal at Sangguniang Bayan ng Bauan sa mga ganitong uri ng aktibidad na nakalaan para sa sektor ng PWDs. Pinasalamatan din niya ang Bauan Municipal Social Welfare and Development Office, sa pamumuno ni Ms. Cynthia R. Togle.
Mark Jonathan M. Macaraig, Photo: Nelson Adante – Batangas Capitol PIO