June 18, 2025
Ipinagdiwang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang Araw ng mga Ama, kasabay ng lingguhang pagbibigay-pugay sa bandila ng Pilipinas ng mga kawani, noong ika-16 ng Hunyo 2025 sa RRMM DREAM Zone, Capitol Compound, Batangas City.
Tampok sa nasabing programa ang kauna-unahang “Natatanging Tatay sa Kapitolyo Award 2025,” na isang inisyatibo ng Provincial Social Welfare and Development Office katuwang ang Men Opposed to Violence (Against Women & Children) Everywhere – Alliance Against Violence (MOVE-ALAV) Batangas Chapter, na naglalayong maparangalan ang mga tagapagtaguyod ng tahanan sa kanilang mga naging kontribusyon sa pamilya, at maging sa pamayanan.
Mula sa 6 na naging nominado, nagkaroon ng deliberasyon ang 3-member selection committee noong June 9, 2025, base sa kanilang mga naging pagganap sa kanilang tahanan, lugar ng trabaho at komunidad.
Itinanghal bilang Grand Winner si Ginoong Cresenciano Mayuga mula sa Batangas Provincial Information Office, habang si Noel Perez mula sa Provincial Health Office ang nakakuha ng ikalawang puwesto, at si Ronald Limbo ng Office of the Provincial Veterinarian ang nagkamit naman ng ikatlong puwesto.
Kabilang sa mga naging nominees sina dating Agoncillo Mayor Glorioso Martinez ng Office of the Provincial Governor, Darwin Jayson Barcelon mula sa Provincial Tourism and Cultural Affairs Office at Aldrich Castro ng Office of the Provincial Agriculturist.
Kasama ring binigyang-pagkilala si Governor Hermilando Mandanas na tumayong Ama ng Lalawigan ng Batangas sa loob ng 18 taon sa kanyang dalawang terminong paglilingkod bilang gobernador.
Bago nito, isang espesyal na father and son duet ang inihandog ni Arvin Tolentino, kasama ang kanyang anak na si Aiden Clyde Tolentino, bilang pagpupugay sa mga amang kawani ng pamahalaang panlalawigan.
Gian Marco Escamillas / Photo: Francis Milla – Batangas Capitol PIO