Libreng Laptop para sa mga Pampublikong Guro sa Lalawigan ng Batangas, Muling Ipinamahagi

Gov. DoDo Mandanas, Nakibahagi sa Isinagawang Special Session ng SP Batangas
March 25, 2021
₱150 Milyong Halaga ng Insentibo at Ayuda, Dagdag Suporta ng Lalawigan Ngayong may Pandemya
March 26, 2021

March 26, 2021

May kabuuang 1,254 na libreng laptop ang nakatakdang ipagkakaloob ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa mga public school teachers mula sa iba’t-ibang mga lokal na distrito ng paaralan sa probinsya, sang-ayon sa tuloy-tuloy na mga programa at proyekto ni Governor DoDo Mandanas na nakatuon sa sektor ng edukasyon.

Sa pamamagitan ng Provincial School Board (PSB), muling umarangkada ngayong taong 2021 ang pamamahagi ng laptop ng Kapitolyo na pormal na sinimulan noong ika-19 ng Marso sa isinagawang virtual turnover ceremony na ginanap sa Schools Division Office (SDO), Provincial Sports Complex, Lungsod ng Batangas.

May 424 na units ng laptops ang nakalaang ipamigay sa mga guro para sa unang batch ng distribution.

Sa naging mensahe ni Governor DoDo Mandanas, sinabi nitong ang mga bagong kagamitan ay inaasahang makatutulong sa mga guro sa pagsasagawa ng kanilang mga klase online at makapagpapataas pa ang kalidad at pagbabahagi ng karunungan sa mga kabataan ngayong panahon ng New Normal.

“Tunay na ako ay nagpapasalamat sa mga guro…kaya naman gusto natin na mabigyan pa ng kasangkapan lalo na sa panahon ngayon na kailangang-kailangan ng mga bagong pamamaraan,” ani Governor Mandanas. “Marubdob din ang ating pagnanasa na maitaas ang karunungan ng ating mga kabataan.”

Ipinunto rin ng gobernador ang kahalagahan ng mga guro na patuloy na nagsusulong ng dekalidad na edukasyon sa lalawigan ng Batangas, “Kayo ang tumatayong pangalawang magulang ng mga kabataan, nawa’y igtingan, diinan ang paghawak sa kanilang kinabukasan…magigiting ang mga guro.”

Dagdag pa ng gobernador, bagaman kulang pa kung tutuusin para sa mga guro sa buong lalawigan, tiniyak naman nito na patuloy na nagbabalangkas ang lalawigan ng mga plano ngayong taon para mapalawig pa ang mga ganitong proyekto.

Taos-pusong pasasalamat naman ang ipinabatid ng buong pamunuan ng SDO Batangas, sa pangunguna ni Schools Division Superintendent, Dr. Merthel Evardome, para sa natanggap na handog na mga laptop mula sa pamahalaang panlalawigan.

Ayon kay Dr. Evardome, tunay na mababakas sa gobernador ang pagpapahalaga sa mga guro. Ito aniya ay sumasalamin sa pagiging anak at pagkakaroon ng isang gurong ina, na nagbahagi ng karunungan sa mga kabataan sa loob ng humigit-kumulang na apatnapung taon.

Samantala, ipinagbigay-alam naman ni PSB Secretariat Head, Engr. Evelyn Estigoy, na ang karagdagang 812 na laptops ay inaasahang maipapamahagi sa buwan ng Abril.

Mark Jonathan M. Macaraig / Photos: Eric Arellano, Marwin Domingo, Francis Milla – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.