Kapulisan sa Batangas, Puspos ang Paghahanda para sa Eleksyon 2022

Invitation to Submit Quotation (Shopping)
April 1, 2022
Invitation to Submit Quotation (Shopping)
April 7, 2022

April 4, 2022

Puspusan ang ginagawang paghahanda ng kapulisan sa Lalawigan ng Batangas upang masigurado na magiging maayos ang papalapit na Local at National Elections sa ika-9 ng Mayo 2022. Ito ang naging pahayag ni PCol. Glicerio C. Cansilao, Provincial Director ng Batangas Provincial Police Office, sa naging panayam noong ika-30 ng Marso 2022 sa B’yaheng Kapitolyo, ang opisyal na programang pangradyo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas.

Ayon kay PCol. Cansilao, patuloy ang kanilang isinasagawang police operations tulad ng Oplan Sita, Oplan Bakal at mga checkpoints.

May labindalawa aniyang lugar sa Batangas, na binubuo ng labing-isang munisipalidad at isang siyudad, na idineklarang “elections hotspots.” Isinailalim ang mga ito sa Yellow Category o iyong mga lugar na nakapagtala ng karahasan na may kaugnayan sa halalan o kung saan mayroong matinding partisan political rivalry.

Samantala, nakapagtala naman ang kapulisan ng maraming kaso ng paglabag sa Commission on Elections (COMELEC) gun ban na ipinapatupad ngayong panahon ng halalan. Matatandaan na nagsimula ang COMELEC gun ban noong January 9, 2022 at magtatapos naman ngayong darating na June 8, 2022. Dagdag pa ng koronel, hindi sapat ang permit to carry at tanging ang mga may clearance lamang na galing sa COMELEC ang pinapayagan at maaaring magdala ng armas sa panahon ng gun ban.

Naibahagi rin nito na nag-deploy na ng mga Police Assistance Desks at mga Tourist Police sa mga lugar na dinadayo ng mga turista ngayong papalapit na ang pagdiriwang ng Semana Santa o Holy Week.

Katuwang din ang kapulisan sa disaster response at evacuation ng mga local incident management team ng mga bayan na apektado ng muling pagiging aktibo ng Bulkang Taal nitong nakaraang linggo. Aniya, kaakibat ang kapulisan sa pagpapanatili ng peace and order sa mga evacuation centers. Kasabay rin nito ay ang pagtatalaga ng mga anti-looting teams, laban sa mga mapagsamantala sa gitna ng sakuna, sa mga bahayan na pansamantalang iniwanan ng mga evacuees.

Humingi naman ng patuloy na suporta mula sa publiko si Cansilao para sa kapulisan at nanawagan ng patuloy na pagsunod sa mga itinatakdang batas para sa maayos na eleksyon. Nagpaalala rin ang koronel sa pagsunod sa minimum health standard na itinatalaga ng Inter-Agency Task Force Against COVID-19 at binigyang-diin na ang isinasagawa nilang checkpoints ay hindi dapat ituring na sagabal, bagkus ay para masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan.

Vinson-Roi C. De Chavez – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.