July 3, 2019
Dumagsa ang job seekers sa isinagawang Batangas Job Fair, na pinangunahan ng Public Employment Service Office (PESO) ng Provincial Assistance for Community Development Office (PACD), noong ika-1 ng Hulyo 2019 sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Batangas City.
801 na aplikante ang nakipagsapalaran sa nasabing Job Fair, kung saan 149 sa mga ito ang pinalad na matanggap kaagad ng 24 na local employers at 6 na overseas recruitment agencies.
Isa ang aktibidad na ito sa mga isinagawang pagtitipon sa unang araw ng ikalawang termino ni Gov. DoDo Mandanas, na nakakuha ng mahigit isang milyong boto mula sa mga Batangueño, dala ng konkretong mga programa at proyekto ipinatutupad sa Lalawigan ng Batangas.
Ang maghapong recruitment event, na naglalayong maitaas ang antas ng pamumuhay ng mga mamamayang Batangueño sa pamamagitan ng pagbibigay ng employment opportunities, ay naisakatuparan sa pakikipagtulungan sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Philippine Overseas Employment Agency (POEA).
Samantala, patuloy pa rin ang PACD-PESO sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang kumpanya at organisasyon para sa job vacancies at hiring, upang makatulong sa mga kababayan na makahanap ng trabaho. – Shelly Umali, Batangas PIO Capitol