January 31, 2018
Isang Information Caravan, na may temang “Agrikultura para sa pagbabago,” ang isinagawa ng Department of Agriculture (DA) noong ika-31 ng Enero 2018 para sa kamalayan ng mga nasa sector ng agrikultura na ginanap sa Provincial Sports Complex, Bolbok, Batangas City.
Pinangunahan ang caravan nina Engr. Arnel V. De Mesa, DA CALABARZON Regional Executive Director; at Mr. Milo Delos Reyes, Regional Technical Director for Operations, kaagapay nina Batangas Provincial Agriculturist, Engr. Pablito A. Balantac; Provincial Veterinarian, Dr. Rommel Marasigan; Chairman Pedrito Kalaw ng Regional Agricultural and Fisheries Council; Rizal Provincial Agriculturist, Dr. Reynaldo Bonita; DA Agricultural and Fisheries Information Division Chief Cheryl Suarez at mga eksperto sa larangan ng agricultural technology.
Sa kanyang mensahe, malugod na tinanggap ni Gov. Dodo Mandanas ang mga kinatawan ng Department of Agriculture sa lalawigan. Binigyang-diin din niyang kabalikat ng pamahalaang nasyunal ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa patuloy na pagpapalakas ng agrikultura sa pamamagitan ng mga proyektong tunay na mapapakinabangan ng mga magsasaka at ng iba pang stakeholders ng sector.
Ang nasabing aktibidad ay isang adbokasiya ng DA na may layuning palawakin at madagdagan pa ang kaalaman ng mga magsasaka at mangingisda para sa makabagong at epektibong mga pamamaraan na makapagpapaunlad ng kabuhayan sa buong Region IV- A.
Dagdag pa rito, mayroon ding itinayong mga booth – kabilang ang Agricultural Training Institute (ATI); Philippine Rice Research Institute (PhilRe); PessI instruments na may Weather Monitoring and Forecasting System; KROPS na isang software application kung saan mas pinadali ang pagbibili ng mga produkto; Agricultural Credit policy Council (ACPC); Bureaa of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at DA Philippine Crop insurance Corporation (PCIC) – para sa mas epektibong pagpapakita at pagpapakilala ng mga proyekto o gawain ng Department of Agriculture sa mga magsasaka at mangingisda . Cecilei De Castro – Batangas Capitol PIO