Higit 57,000 Batangueño, Naapektuhan ng Bagyong Quinta

Batangas PDRRMC, Nakahanda na sa Pagdaan ni Bagyong #RollyPH
October 31, 2020
425 Tons ng Bigas, Ipinagkaloob ng Pamahalaan ng Japan sa mga Naapektuhan ng Taal Volcano Eruption
November 1, 2020

November 1, 2020

Relief Operations, Agarang Isinagawa sa Kasagsagan ng Pananalasa ng Bagyo

Umabot sa mahigit 13,000 pamilya o may katumbas na 57,000 indibidwal sa Lalawigan ng Batangas ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Quinta noong ika- 26 ng Oktubre 2020.

Ang naturang datos ay batay sa pinakahuling pinagsamang ulat ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), kung saan karamihan sa mga naapektuhan ay mula sa una at ikalawang distrito ng probinsya.

Sa naging panayam ng B’yaheng Kapitolyo, ang opisyal na programang pang-radyo ng pamahalaang panlalawigan, kay PSWDO Head Jocelyn Montalbo, tanging sa Barangay Mabalor sa Bayan ng Ibaan na lamang may nananatiling bukas o active na evacuation center. Pansamantalang nakatigil dito ang may 5 pamilya o 22 individuals.

Bukod dito, nakapagtala ang tanggapan ng 68 na evacuation centers na binuksan sa iba’t-ibang bayan at lungsod sa lalawigan dahil sa bagyo.

Samantala, sa kasagsagan ng pananalasa ni Quinta, agarang nagbigay ayuda ang Kapitolyo, alinsunod sa direktiba ni Governor DoDo Mandanas, sa mga pamilyang lumikas at nagtungo sa mga evacuation centers particular sa Lungsod ng Batangas.

Dagdag pa ni Gng. Montalbo, bukod sa mga evacuees, nagpaabot din ang kanilang tanggapan ng mga food packs at sleeping and hygiene kits sa siyam na tripulante, na nailigtas ng Philippine Coast Guard, nang lumubog ang kanilang fishing cargo vessel, na mula sa Barangay Navotas, sa Bayan ng Balayan.

“Ang instruction ng Governor, ang injured ay bibigyan din ng financial assistance,” ani Montalbo.

Sa kaparehong situation report, na inilabas noong ika-29 ng Oktubre, 1,123 totally damaged at 8,098 partially damaged na mga kabahayan ang naitatala habang patuloy pa rin ang isinasagawang assessment.

Sa bisa ng Resolusyon No. 855 at pag-apruba ng Sangguniang Panlalawigan noong ika-28 ng Oktubre, isinailalim na ang buong lalawigan sa State of Calamity.

Kaugnay nito, ayon kay Gng. Montalbo, binabalangkas na ang mga tulong na ipamamahagi sa mga naapektuhan batay sa matatanggap na datos na isusumite ng mga LGUs sa lalawigan.

“Sa ngayon ay patuloy ang pamamahagi ng tulong sa mga naapektuhan. Nakikipag-ugnayan din sa mga barangay at MSWDO upang makumpleto ang report para sa proper assessment ng tulong na ipamamahagi,” pagbibigay-diin ni Gng. Montalbo.

Tiniyak naman ng PSWDO na sapat ang relief stock ng lalawigan na paunang ibinibigay sa mga naapektuhan ng kalamidad, lalo na at may paparating muli na bagong sama ng panahon.

Ipinagbigay-alam din ng puno ng tanggapan na, sa pagdedeklara ng State of Calamity, mayroong ilalaan na humigit kumulang na ₱10 Milyon na pondo para sa food packs na ipamamahagi sa lalawigan.

Malaki naman ang naging pasasalamat ni Gng. Montalbo sa patuloy na pagbibigay suporta ni Governor Mandanas, hindi lamang sa kanilang tanggapan kung hindi pati na rin sa lahat ng mga empleyado ng Kapitolyo na gumaganap sa mga tungkulin ng pagbibigay serbisyo publiko sa kabila ng banta ng COVID-19. Tuloy-tuloy at regular aniya ang pagkakaloob ng pamahalaang panlalawigan ng mga face masks, face shields, at vitamins para sa lahat ng mga kawani.

Mark Jonathan M. Macaraig / Photo: Mon Carag and Eric Arellano – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.