April 28, 2023
Nasa 4,256 na mga indibiduwal ang nabigyan ng tulong-pangkabuhayan ng Provincial Cooperative, Livelihood and Enterprise Development Office (PCLEDO) nitong nakalipas na taon alinsunod sa inisyatibo ni Governor DoDo Mandanas na maisaayos at maitaas ang kalidad ng mga maliliit na negosyo sa lalawigan.
Sa datos ng PCLEDO, na pinangungunahan ng kanilang department head na si Ginang Celia Atienza, kabilang sa mga naging benepisyaryo ang 1,141 na indibiduwal, 243 na sectoral groups at 2,872 na entrepreneurs.
Umabot sa kabuuang ₱6,858,700 ang naipamahagi ng PCLEDO kung saan tumanggap ang bawat indibiduwal at sectoral group ng tulong-pinansyal na nagkakahalaga ng ₱3,000-₱5,000 at ₱20,000-₱50,000 para sa mga negosyante.
Ang pagkakaloob ng financial assistance ay sang-ayon sa layunin ng gobernador na matulungan ang bawat Batangueño na unti-unting mapalaki at mapalago ang kanilang mga kabuhayan.
Katuwang din sa proyektong ito ang bise gobernador at mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na nagbibigay rekomendasyon sa mga indibiduwal na tutulungan.
Gian Marco Escamillas — Batangas Capitol PIO / with reports and photos from PCLEDO