Gov. DoDo, Kaisa sa 2-day State Visit ni Pangulong Marcos sa Singapore

Info Tour para sa Digital Film Fest sa Batangas, Umarangkada Na
September 8, 2022
Programang Rabies-Free Batangas Muling Susulong ngayong Setyembre 2022
September 10, 2022

September 9, 2022

Tourism and Economic Development, Digital Infra Establishment, Sentro ng Talakayan

Makabuluhan, produktibo, at nakabuo ng malalim na ugnayan ang naging pakikiisa ni Batangas Governor DoDo Mandanas bilang bahagi ng delegasyon sa dalawang araw na state visit ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa bansang Singapore noong ika-6 hanggang ika-7 ng Setyembre 2022.

Buong sigasig na sumuporta ang gobernador sa layunin ng pangulo na mapalakas pa ang economic cooperation at bilateral ties sa pagitan ng Pilipinas at Singapore. Ang pagtungo sa naturang bansa ay ang second leg sa kauna-unahang state visits ni Marcos bilang presidente ng Pilipinas.

Kaugnay nito, nagkaroon ng pagkakataon si Governor Mandanas na mapagtibay ang ilang mga kasunduan at binabalangkas na programa para sa lalawigan pagdating sa ugnayang-panturismo, pagpapaunlad ng ekonomiya, at modernisasyon o pagtatatag ng digital infrastructures.

Muling tinalakay nina Governor Mandanas, Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Alfredo Pascual, at mga kinatawan ng YCH Group na sina Sardar Ahmed at Allan Maristela ang pagsusulong ng plano na makapagpatayo ng Smart Logistics City at Batangas Access Zone.

Matatandaan na nauna nang lumagda sa isang Memorandum of Understanding ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, kasama ang DTI at YCH Group, na kilalang developer ng mga superport at smart cities sa Asya.
Dito ay napili ang Lalawigan ng Batangas bilang lokasyon ng nasabing proyekto, na inaasahang magpapalakas sa interconnectivity ng Pilipinas sa mga bansang kasapi ng Association of South East Asian Nations (ASEAN).

Sumang-ayon at nangako rin si DTI Secretary Pascual na magbibigay ng suporta at makikipagtulungan sa pagpapaunlad ng Batangas Bay nang sa gayon ay mapataas ang antas ng economic development at maging matatag ang ugnayan ng bansa sa ASEAN.

Bukod dito, bilang tanda sa maalab na pagnanais ng pamahalaang panlalawigan na maisakatuparan ang proyekto, nagtungo mismo ang gobernador, kasama ang ilang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan at iba pang opisyal at mga puno ng tanggapan ng pamahalaang panlalawigan, sa YCH Supply Chain City sa Singapore.

Binisita ni Gov. Mandanas ang nasabing pasilidad upang personal niyang makita ang state-of-the-art facility, na gumagamit ng iba’t ibang makabagong teknolohiya tulad ng artificial intelligence, robotics, at advanced cold chain system para sa logistics at supply chain activities ng YCH.

Naglalayon ang punong lalawigan na makapagtayo rin ng ganitong uri ng pasilidad sa Batangas nang sa gayon ay makatulong sa pagpapalago ng ekonomiya, lalo aniya ngayong unti-unti nang bumabangon ang lalawigan sa dalang epekto ng pandaigdigang krisis na pangkalusugan dulot ng COVID-19 virus.

Samantala, dahil si Gov. Mandanas din ang tumatayong puno ng tanggapan ng Provincial Tourism and Cultural Affairs, aktibo rin siyang nakipag-dayalogo kay Department of Tourism Secretary Christina Frasco. Ibinahagi ng gobernador sa kalihim ang mga proyekto ng lalawigan, kabilang ang pagpapaganap ng tuloy-tuloy na tourism recovery, development, at promotion initiatives.

Ang pagtungo at pakikiisa ni Gov. Mandanas sa Singapore ay ilan lamang sa mga inisyatibo ng kaniyang administrasyon, na nagbibigay halaga at pagtugon sa adhikain na makalikha ng maraming trabaho para sa mga Batangueño at makapagtayo ng mga imprastraktura na sumasabay sa makabagong panahon, bilang ang Batangas ay itinuturing na “launchpad of the Philippines Agri-Industrial Business Corridor.”

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO /
Photos: Assistant Provincial Administrator Colin Garcia

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.