Gov. DoDo, Guest Speaker sa Regional Youth Training Program

Patimpalak sa Makabagong Panunula 2022, Idinaos sa Kapitolyo
August 30, 2022
Ika-18 Taunang Pangkalahatang Pagpupulong ng Koop Batangan, Idinaos sa Kapitolyo
September 1, 2022

August 30, 2022

Dumalo at nagsilbing guest speaker si Batangas Governor DoDo Mandanas sa pagsisimula ng Capacity Development Training Seminar ng YouthLed o Youth Leadership for Democracy noong ika-26 ng Agosto 2022 sa Lima Park Hotel sa Bayan ng Malvar.

Ang tatlong araw na pagsasanay ay dinaluhan ng mga kabataan mula sa sampung probinsya ng mga rehiyon ng CALABARZON at MIMAROPA.

Bahagi ito ng mga nakalatag na serye ng pagsasanay ng YouthLed, isang five-year program na naglalayong mabigyan ng pagkakataon ang mga kabataan sa buong Pilipinas upang maging aktibong mga mamamayan na nakikilahok sa mga programang panlipunan ng pamahalaan. Ito rin ay isang proyekto na magkabalikat na ipinagaganap ng The Asia Foundation (TAF) at United States Agency for International Development (USAID).

Sumentro ang mensahe ni Gov. Mandanas sa malaking papel na ginagampanan ng Mandanas-Garcia Ruling upang mapabilis at mapalakas ang kapasidad ng bawat lokal na pamahalaan sa bansa sa pagbibigay ng serbisyo sa publiko.

Isinalaysay rin ng gobernador ang kaniyang pinagdaanan upang maisulong ang naturang Supreme Court ruling, na aniya ay isang makasaysayang pagkakataon para sa kapakanan ng mga mamamayan, hindi lamang ng mga Batangueño, kung hindi pati na rin ng bawat isang Pilipino.

Ayon pa kay Governor Mandanas, malaki rin ang magiging pakinabang ng mga kabataan dito sapagkat isa sa maraming mapapalawig nito ay ang mga inisyatibong nakatuon sa edukasyon tulad na lamang ng scholarship assistance program.

Naging bahagi rin ng mensahe ng gobernador ang mahalagang partisipasyon ng kabataan sa paghubog at pagsulong ng isang makabago at maunlad na bansa.

“Ang pagiging tapat, may kakayahan, at kaalaman ay ilan lamang sa mga katangian ng isang mabuting lider,” ani Gov. Mandanas.

Kasamang nakiisa ni Gov. DoDo Mandanas sa ginanap na unang araw ng pagsasanay si Provincial Assistance for Community Development Youth and Sports Division Chief Arthur Caguitla.

Eric Arellano & Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.