Face-to-Face Job Fair, Muling Isinagawa ng Batangas Capitol

Gold Dedicated Service at Lingkod RDC Awards, Iginawad kay Batangas Governor Mandanas
June 12, 2022
Notice of Award – Purchase of 300 boxes of Antigen Test Kit, 25’s for use in District Hospitals and PHO Proper
June 14, 2022

June 12, 2022

Mahigit sa 700 na mga naghahanap ng trabaho ang nagtungo sa isinagawang face-to-face o on-site job fair ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Batangas Provincial Public Employment Service Office (PESO), na nasa ilalim ng pangangasiwa ng tanggapan ng Provincial Assistance for Community Development (PACD).

Ang naturang aktibidad, na ginanap noong ika-10 ng Hunyo 2022 sa DREAM Zone, Capitol Compound sa Lungsod ng Batangas, ay kinatampukan ng lampas sa 30 na rehistrado at lehitimong local and overseas employers o mga katuwang na kumpanya ng Kapitolyo sa pagbibigay ng trabaho sa mga mamamayang Batangueño.

Nagbigay ng kaniya-kaniyang mensahe at mga karagdagang impormasyon patungkol sa mga hatid nilang serbisyo ang mga kinatawan mula sa Department of Labor and Employment – Batangas, Philippine Overseas Employment Administration Satellite Office – Calamba, at Technical Education and Skills Development Authority – Batangas, na katuwang rin na mga ahensya ng pamahalaang panlalawigan pagdating sa pagsasagawa ng mga job fair activities.

Malaki naman ang naging pasasalamat ni PACD department head at PESO manager Fredesvinda Mendoza sa mga nabanggit na ahensya para sa patuloy na pakikipag-ugnayan at pag-agapay upang maisulong ang pagpapalago ng employment rate at job generation sa lalawigan.

Nakadagdag naman sa motibasyon ng mga job seekers ang ibinahaging kuwento ng inspirasyon at pagsusumikap sa buhay ni Provincial Administrator Wilfredo Racelis, na nagsilbing kinatawan ni Governor DoDo Mandanas sa nasabing job fair.

“Una, nais ninyong patunayan sa sarili n’yo, sa mga minamahal n’yo na kayo ay handang magtrabaho, na meron kayong maia-ambag. Pangalawa, kayo ay mga responsableng tao, alam ninyo na mayroong umaasa sa inyo kaya iaahon n’yo sila sa inyong pagtatrabaho. Pangatlo, meron kayong dignidad,” ani Administrator Racelis.

Bukod dito, ipinunto rin niya na hindi man lahat ng pinto ng oportunidad ay magbubukas sa ngayon, hindi dapat mawalan ng pag-asa at patuloy lamang na magsumikap sa buhay. “Hindi lahat ng pinto ay bubukas, pero huwag n’yong sabihin na ayaw n’yo na, marahil sa susunod na pinto ay may magbubukas. Don’t lose hope, keep on knocking. Huwag kayong mawawalan ng optimism, ng pag-asa, lahat mayroong lugar sa buhay nating ito,” dagdag ni Racelis sa kaniyang mensahe sa mga job seekers.

Samantala, umaasa naman ang buong tanggapan ng PACD na muli silang makakapagsagawa ng mga ganitong uri ng aktibidad upang makatulong sa mga Batangueño, at mga nakatira sa mga karating lalawigan, lalo’t higit sa mga naaapektuhan ng pandemya.

Mark Jonathan M. Macaraig / Photo: MacVen Ocampo – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.