July 12, 2024
Dangal ng Batangan Awards 2024 ang naging paksa ng B’yaheng Kapitolyo, ang opisyal na programang pang-radyo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa panayam sa kinatawan ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office (PTCAO) noong ika-10 ng Hulyo 2024.
Sa pagpapaliwanag ni PTCAO Operations Officer IV Vanessa Carmona-Dilay, ang Dangal ng Batangan awards ay isang taunang pagkilala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng PTCAO, sa mga artists, performers at art practitioners na mga Batangueño para sa kanilang makabuluhang kontribusyon sa larangan ng kultura at sining sa lalawigan.
Ang mga kategorya ng Dangal ng Batangan ay ang Batangas Artist Award, Heritage Preservation Advocate Award at Folk Arts Award. Samantala, ang Batangas Artist Awardee ay maaaring mula sa mga larangan ng Music, Dance, Theater, Architecture, Literature, Visual Arts, at Media Arts.
Nagbukas ang nominasyon noong February 2024 at isasara ngayong katapusan ng Setyembre 2024 upang maisagawa ang proseso ng deliberasyon at pagpili ng mga awardees, na itatanghal sa Foundation Anniversary ng Lalawigan ng Batangas sa Disyembre 2024.
Nagsimula ang parangal noong 2017 sa tawag na Batangas Culture and Arts award. Ito ay pinalitan ni Gov. Hermilando Mandanas na Dangal ng Batangan Awards noong 2018.
Ang Dangal ng Batangan Awards ay bukas sa mga tubong Batangueño o lumaki sa Batangas, at maging sa mga pumanaw na, na ang mga kontribusyon sa sining at kultura ay nagkaroon ng makabuluhang impluwensya sa lalawigan at maging sa ibang bahagi ng bansa at mundo.
Upang makabilang sa parangal, kinakailangan ng nominasyon na susuriin ng PTCAO at ipipresenta naman sa mga miyembro ng Batangas Culture and Arts Council at kay Gov. Hermilando Mandanas para sa kaniyang pagsang-ayon.
Ipinagpapatuloy ito taon-taon upang kilalalnin ang mga namumukod-tanging Batangueño na, hindi lamang nagpamalas ng kanilang mga talento sa sining at kultura sa iba’t ibang lugar, kung hindi tumatatak din sa puso at isip ng mga mamamayan.
Ilan sa mga nauna nang naging mga Dangal ng Batangan winners sina theater actor Leo Martinez, art critic at curator Marian Pastor Roces, fashion designer Rene Salud, at ang kilalang manunulat ng mga awiting pang-simbahan na si Fr. Damaso “Bong” Panganiban, na naging posthumous awardee.
Almira Elaine F. Baler – Batangas Capitol PIO