Conservation Fee Scheme ng Mabini at Tingloy, Ibinahagi sa Online Training-workshop

Gov. DoDo, VGov. Mark Muling Pinagtibay ang Pagtutok sa Health Care, Economic Recovery
September 25, 2021
Bauan MPA, Isa sa 2021 Outstanding Locally-Managed Marine Protected Areas sa Pilipinas
September 26, 2021

September 26, 2021

Sa pamamagitan ng Provincial Government Environment and Natural Resources Office (PGENRO), naimbitahan kamakailan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas upang manguna sa isang virtual Training-Workshop on Ecosystem Services Assessment, Accounting, Valuation, and Policy ang Philippines Sustainable Interventions for Biodiversity, Oceans, and Landscape (SIBOL).

Dumalo sa pagsasanay ang mga kinatawan ng mga lokal na pamahalaan sa baybaying dagat ng Batangas, government agencies, marine protected area (MPA) managers, mangingisda, organisasyon at mamamayan upang mabigyan sila ng sapat na kaalaman para sa iba’t-ibang mapagkukunan ng mga alternatibong livelihood mula sa maayos na pamamahala at pangangalaga ng mga MPAs at ng buong karagatan, katulad ng umiiral ngayon sa mga Bayan ng Mabini at Tingloy.

Ang SIBOL ay isang proyekto ng United States Agency for International Development (USAID), na inilunsad upang suportahan ang sustainable management ng mga likas na yaman ng Pilipinas at labanan ang mga environmental crimes.

Binigyang-diin sa presentasyon kung paano nabuo ang conservation fee scheme ng Tingloy at Mabini, na inilalaan naman ng mga nasabing LGUs sa mga programa at gawain na may kaugnayan sa pamamahala ng mga MPAs, tulad ng installation at maintenance ng mga markers at boya, financial support sa mga Bantay Dagat, procurement at maintenance ng patrol boats, mga pagpupulong at pagsasanay, paglilinis ng ilalim at baybaying dagat, IEC campaigns, at development projects para sa turismo.

Dulot ng pangangailangang mapangalagaan ang kapaligiran, na dinadayo ng mga turista at pinakikinabangan ng mga mangingisda, nagkaroon ng mga pagkilos sa dalawang bayan tungo sa wastong conservation management. Naging katulong dito ang environmental groups na Haribon Foundation at World Wildlife Philippines.

Matapos ang maraming pagpupulong, konsultasyon, data gathering at public hearings, naipasa ng mga pamahalaang local ng Mabini at Tingloy ang Unified Municipal Ordinance, na nagpahintulot na sumingil ng conservation fees mula sa mga divers.

Noong 2003, ang daily dive pass ay nagkakahalaga ng ₱100 habang ang annual dive pass ay ₱1,800. Naging ₱200 at ₱3,400 ang mga ito mula 2015 hanggang sa kasalukuyan. Pinaghahatian ang naiipong pondo ng Mabini at Tingloy.

Sa tulong din ng conservation fees, mas naisaayos ang mga imprastraktura at mga kagamitan, na mas nagpalakas pa sa tourist industry dito. Kaugnay ng paglago ng economic activities, ang mga mangingisda ay naging mga dive boat operators at boatmen, ang mga kalalakihan ay nagkaroon ng trabaho bilang mga dive guides at waiters, at ang mga kababaihan ay naglilinis at nagluluto sa mga resorts. Higit sa lahat, nabawasan ang mga banta at iba pang mapanirang gawain na kaugnay sa pangingisda.

Ang ganitong pamamaraan ay ginagawa na rin sa iba pang mga bayan sa lalawigan na nasa tabing dagat, tulad ng Calatagan, Bauan, San Luis, Lian, Lobo, San Juan at Batangas City, samantalang ang ibang mga bayan ay naghahanda na rin para mangolekta ng conservation fees.

Ayon sa PGENRO, hindi naging madali ang mga pinagdaanang gawain kaya ang mga bayan ng Mabini at Tingloy ay nananatiling masigasig at magkakatulong, kaagapay ang lahat ng mga mamamayan at mga gumagamit ng karagatan, upang maabot ang tuloy-tuloy na tagumpay at benepisyong natatamo nila hanggang sa kasalukuyan, sa kabila ng pandemya.

PGENRO – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.