Bayan ng Mataas na Kahoy, Benipisyaryo ng mga Punlang Puno sa Nationwide Tree Planting Activity

Batangas Local Health Board Nagsagawa ng Talakayan
September 14, 2022
ASEAN Batangas Access (ABA) Zone – A showcase of Batangas’ Growth Potential
September 14, 2022

September 14, 2022

Tinatayang nasa walong libong puno ang itinanim sa kabuuan ng CALABARZON Region sa isinagawang sabay-sabay na tree planting activities sa buong Pilipinas noong ika-13 ng Setyembre 2022.

Sa Lalawigan ng Batangas, pinamunuan ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Agriculture ang mga katuwang na delegasyon ng iba’t ibang lokal na ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor na nakilahok sa nasabing gawain.

Ang paakyat at matarik na lugar malapit sa Lawa ng Taal at sakop ng Sitio Lipote, Barangay Kinalaglagan, Bayan ng Mataas na Kahoy ang napiling pilot site ng aktibidad sa lalawigan, na tinaniman ng mga puno ng Cabellero, Narra, Banaba at Dwarf Coconut.

Sa panayam kay Mataas na Kahoy Mayor Janet Ilagan, napakahalaga aniya ng nasabing sabayang pagtatanim sa kanilang bayan, partikular sa napiling Barangay Kinalaglagan, dahil sa kalagayan ng topograpiya nito kung saan ang kahabaan ng Sitio Lipote ay nanganganib sa banta ng malawakang soil erosion.

Dagdag pa nito, bukod sa makatutulong sa greening and beautification program at turismo, ang mga punong ito ay magsisilbing pananggalang ng mga karatig na barangay laban sa pagbaha.

Ayon kay G. Noel M. Recillo, DENR-PENRO OIC at isa sa mga lead organizers ng programa, ang ganitong aktibidad ay bahagi ng climate change mitigation at greening program initiative ng pamahalaang nasyunal, sa direktiba ni President Ferdinand “BongBong’ Marcos, Jr., na siyang nanguna sa katulad na aktibidad sa Bayan ng San Mateo sa Lalawigan ng Rizal.

Sa ibang bahagi ng Region IV –A, napili ang Bayan ng Trese Martires sa Cavite, Bayan ng Majayajay sa Laguna, at Bayan ng Dolores sa Quezon.

Bilang tuloy-tuloy na programa, ang mga pagtatanim ay tatawagin nilang tree growing activity, kung saan tututukan ng mga ahensya at katuwang na mga lokal na pamahalaan, partikular ang pinagtanimang mga pamayanan, na masiguro ang maayos at malusog na pagyabong ng mga itinatanim na punong kahoy sa buong bansa.

Kaugnay rin ito sa isa sa mga binibigyang prayoridad ni Governor Dodo Mandanas pagdating sa mga inisyatibong pangkalikasan, patunay sa kanyang governance thrust na sumasaklaw sa Protection of the Environment .

Aktibong nakibahagi sa pagtatanim ang mga kinatawan ng Pamahalaang Bayang ng Mataas na Kahoy, Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa pamamagitan ng Provincial Government –Environment and Natural Resources Office , Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, mga panlalawigang tanggapan ng mga ahensyang nasyunal, at civil society organizations.

Edwin V. Zabarte/ Photos: Karl Ambida – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.