Batangueño SEA Games at ASEAN Para Games Medalists, Kinilala ng Pamahalaang Panlalawigan

SUPPLEMENTAL BULLETIN No. 2 – Cancellation of TOR (November 4, 2022)
October 27, 2022
Linggo ng Kabataan 2022, Matagumpay na Naisagawa sa Kapitolyo
October 28, 2022

October 27, 2022

Sampung mga atletang Batangueño ang binigyan ng pagkilala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas dahil sa ipinamalas na kahusayan at natatanging determinasyon sa iba’t ibang larangan ng isport sa ginanap na 31st Southeast Asian Games at 11th ASEAN Para Games 2022.

Ang paggawad ng pagkilala, na isinagawa noong ika-24 ng Oktubre 2022 sa Regina R. Mandanas Memorial DREAM Zone, Capitol Compound, Batangas City, ay pinangasiwaan ng Provincial Assistance for Community Development (PACD) Office, kung saan kasabay rin nito ang pagsisimula ng selebrasyon ng lalawigan sa Linggo ng Kabataan ngayong taon.

Anim na mga Batangueño ang nag-uwi ng medalya sa 31st Southeast Asian Games, na idinaos sa Hanoi, Vietnam noong ika-12 hanggang 23 ng Mayo 2022. Ang mga kinilalang atleta ay sina Janine Pontejos mula sa Lemery, na nasungkit ang Gold Medal para sa Womens 5×5 Basketball; John Matthew Vergara mula sa Tanauan City, na nagkamit ng Silver Medal para sa Gymnastics; Wilhelmina Lozada ng Batangas City, na nakakuha ng Silver Medal sa Fencing; Darwin Laylo mula sa Lipa City, na nasungkit ang Silver Medal para sa Chess; Jaime Cristine Lim ng Batangas City, na nag-uwi ng Bronze Medal para sa Karate; at Sonny Wagdos mula sa Lipa City, na nagkamit ng Bronze Medal para sa Athletics.

Apat naman ang kinilala sa 11th ASEAN Para Games 2022 na ginanap sa Solo, Indonesia noong ika-26 ng Hulyo hanggang ika-6 ng Agosto 2022. Si Kenneth Christopher Tapia, na nagmula sa Tanauan City, ay nagkamit ng Silver Medal para sa larangan ng Wheelchair Basketball 3×3 at 5×5, habang Silver Medalist din si Kyle Carlo Carandang ng Lipa City sa Wheelchair Basketball 5×5. Pinarangalan din ng Kapitolyo ang mga Batangueño na kumatawan sa bansa at naging bahagi ng nasabing Para Games na sina Mylene Margaja para sa Wheelchair Basketball 5×5 at Prudencia Panaligan para sa Athletics, na kapwa nagmula sa Bayan ng Laurel.

Sa naging panayam ng B’yaheng Kapitolyo, ang opisyal na programang pangradyo ng pamahalaang panlalawigan, kina Para Games players Kenneth Christopher Tapia at Mylene Margaja, ibinahagi ng dalawa kung paano sila nanatiling determinado sa buhay sa kabila ng kanilang mga kapansanan.

Labing-apat na taong gulang si Kenneth nang maparalisa ang kaniyang mga paa. Ito ay matapos siyang matamaan ng stray bullet o ligaw na bala, na naging sanhi upang magtamo ng injury ang kaniyang Spinal Cord. Ngayong siya ay dalawampu’t pitong taong gulang na at nagkamit na nang ilang tagumpay sa larangan ng isports dito sa Pilipinas at maging sa ibang bansa, ipinunto niya na mayroong oportunidad na naghihintay para sa lahat kahit pa ang isang indibidwal ay may kakulangan o kapansanan.

“Lalo na at tiga-probinsya ako, dapat marunong lang tayong mag-search, kasi akala natin kapag may disability, sa bahay lamang…hindi natin alam na may mga opportunities sa labas. Dapat tayong makisalamuha, dapat tayong lumabas. Hindi lamang wheelchair basketball, sobrang dami pa ng sports sa Paralympics,” saad ni Kenneth.

Nagkaroon naman ng Osteosarcoma o isang uri ng cancer sa buto si Mylene na naging sanhi upang putulin ang kaniyang kaliwang paa. Sa kaniyang mga naging karanasan, binigyang-diin niya na kahit may kapansanan ay nararapat lamang na ituloy ang pamumuhay at lumaban sa hamon ng buhay.

Samantala, ang lahat ng mga binigyan ng pagkilala ay ginawaran ng sertipiko at cash incentive ng Kapitolyo, na sumasalamin sa pagbibigay ng halaga para sa karangalan na naiuwi ng mga ito, hindi lamang para sa lalawigan, kung hindi pati na rin sa buong bansa.

Ito rin ay pagpapakita ng suporta ng lalawigan sa mga nagsusulong ng kahalagahan ng isports, nagbibigay-inspirasyon at magandang halimbawa sa mga kabataan, at nagtataas ng kamalayan ng mga kabataan upang sila ay hindi mahikayat na malulong sa mga iligal na gawain at masamang bisyo.

Nakiisa sa pagbati sa mga Batangueño medalists ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, sa pangunguna ni Acting Vice Governor at 5th District Senior Board Member Claudette Ambida, kasama sina Provincial Administrator Wilfredo Racelis, PACD Department Head Fredesvinda Mendoza, PACD Assistant Department Head Dado Macalintal, PACD Youth and Sports Division Chief Arthur Caguitla, at ibang mga kawani ng pamahalaang panlalawigan.

Mark Jonathan M. Macaraig/Photo: Junjun De Chavez – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.