July 12, 2023
Binigyang pagkilala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang Batangueña Engineer na si Hazel D. Reyes ng Bayan ng Padre Garcia, na itinanghal na Miss Philippine Society of Agricultural and Biosystems Engineers (PSABE) 2023, sa Regina R. Mandanas Memorial DREAM Zone sa Kapitolyo, Lungsod ng Batangas noong ika-10 ng Hulyo 2023.
Ginawaran ng nasabing titulo si Engr. Reyes sa ginanap na PSABE 2023 National Convention sa SMX Convention Center, Mall of Asia, Lungsod ng Pasay noong ika- 25 ng Abril 2023.
Ang pagkilala ay pinangunahan ni Governor DoDo Mandanas, kasama sina Acting Vice Governor at 5th District Senior Board Member Maria Claudette Ambida at iba pang kasapi ng Sangguniang Panlalawigan.
Si Engr. Reyes ang naging kinatawan ng lalawigan at buong rehiyon ng CALABARZON, at magiging kinatawan sa isasagawang 7th Philippine Women Engineers’ Summit Search for “Lakambining Inhinyera 2023” na gaganapin sa Century Park Hotel, Malate, Manila sa darating na ika-3 hanggang ika-5 ng Agosto 2023.
Kabilang sa kaniyang adbokasiya ay ang makapanghikayat pa ng kapwa kabataan na magpursige ng propesyong Agricultural Engineering.
Ayon sa inhenyerang beauty queen, sa ganitong paraan, matitiyak ang sapat na pagkain sa pamamagitan ng pagsulong, pagpapatupad at interbensyon ng Smart Farming Technologies; at mga inobasyon sa produksyon at pagproseso ng pananim, paghahayupan at pangisdaan gamit ang makabagong makinarya, kagamitan at pasilidad na hindi nakukompormiso ang kapaligiran.
Ornald Tabares, Jr/Photo: Francis Milla, Batangas PIO Capitol