Batangas Province, Patuloy ang Paghahanda para sa Kumakalat na Mindoro Oil Spill

97 Batangueño Seasonal Farm Workers Nakatakdang Lumipad tungong South Korea
March 17, 2023
Invitation to Bid – Goods (April 4, 2023)
March 17, 2023

March 17, 2023

Sa isinasagawang paghahanda para sa posibleng pag-abot ng Oriental Mindoro oil spill sa Verde Island Passage at dalampasigan ng Batangas Province, tiniyak ni Gov. DoDo Mandanas ang kahandaan ng lalawigan sa mga maaaring kaganapan, habang inilatag naman ng pamunuan ng Philippine Coast Guard (PCG) – Batangas ang “battle plans” kontra dito.

Kabilang ito sa mga tinalakay sa MT Princess Empress Pre-Disaster follow-up meeting ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, kasama ang mga kinatawan ng mga coastal local government units (LGUs) at pribadong kompanya at industriya sa baybayin ng probinsya, noong ika-16 ng Marso 2023 sa Kapitolyo, Lungsod ng Batangas.

“Tayo ay Handa..”

Sa kanyang pagbabahagi sa pagpupulong, sinabi ng Batangas Governor na, “Tayo ay handa, laging handa, at pinatataas pa ang antas ng kahandaan.”

Taong 1995 pa aniya nagsimula ang mga komprehensibong pagpaplano para sa mga posibilidad ng pagkakaroon ng oil spill at leaks sa kahabaan ng Batangas Bay dahil sa presensya ng mga oil companies at refineries dito, na regular na pinupuntahan ng mga naglalakihang oil tankers, at sa ito ay bahagi ng ruta ng mga barko at sasakyang pandagat.

Dagdag pa ni Gov. Mandanas, isang “national concern” ang paglubog ng oil tanker at pagtagas ng langis mula dito dahil nakakaapekto na ito sa iba’t ibang lalawigan.

Bukod sa mga aktuwal na pagkilos sa pinag-uusapang mga lugar, makikipag-ugnayan na rin ang pamahalaang panlalawigan sa NDRRMC at Department of Science and Technology para sa mga ekspertong pag-aaral tungkol sa sitwasyon, at maghahanda para sa mga posibleng aksyong ligal kontra sa may-ari ng lumubog na tanker.

Laban kontra sa “Itim na Salot”

Sa pagtalakay ni PCG – Batangas Commander, Captain Victorino Acosta IV, ang magiging paghahanda ng lalawigan sa pagdating ng oil spill sa karagatang sakop ng Batangas ay sa baybayin, karagatan at kalangitan.

Magkakaroon aniya ng monitoring para sa oil spill, o ayon kay Capt. Acosta ay ang “itim na salot,” sa himpapawid, sa pamamagitan ng Philippine Air Force, sa karagatan, katuwang ang mga mangingisda at Bantay Dagat volunteers, at sa tabing dagat, katulong ang mga naninirahan at industriya sa coastal barangays.

Naka-deploy na rin, sa ulat ng PCG, ang ilan nilang mga tauhan sa Isla Verde upang makipag-ugnayan at tumulong sa mga barangay na malamang ay unang maaapektuhan ng langis.

Paghahanda ng LGUs, tulong ng pribadong sector, academe

Ibinahagi naman ng mga pamahalaan lokal ang kanilang isinasagawang mga paunang paghahanda sa nakaambang sakuna, kabilang ang paggawa ng mga oil spill booms gamit ang mga bunot ng niyog at fish nets, koordinasyon sa mga Bantay Dagat volunteers para sa monitoring ng karagatan, paghahanda ng mga food packs para sa mga maaapektuhang pamilya, at water quality testing, sa pamamagitan ng Provincial Government Environment and Natural Resources Office. Kabilang sa mga LGUs na nagbahagi ng kanilang mga paunang ginagawang mga hakbang ay ang Lungsod ng Batangas, at mga Bayan ng San Juan at Lobo.

Nagpahayag din ng kahandaan ang mga kinatawan ng Batangas State University at University of Batangas na tumulong sa paggawa ng mga artificial oil spill barriers at pag-ambag para sa mga materyales sa paggawa ng mga ito na puwedeng ipagkaloob sa mga baybaying komunidad, katulong ang kanilang mga guro at estudyante. Tuturuan sila ng PCG sa wastong paggawa ng nasabing mga kagamitang pangontra sa langis.
Makikipag-ugnayan na rin ang Department of Environment and Natural Resources Office sa mga registered treatment facilities na maaaring pagdalhan ng mga makokolektang crude oil, na itinuturing na “hazardous wastes.”

No substitute for preparation

Maraming hakbang ang napag-usapan at napagkasunduan sa nasabing pulong, na pinangunahan ni Provincial Administrator Willy Racelis at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Lito Castro.

Ayon nga kay Ginoong Racelis, “there is no substitute for preparation.”

Pakiusap din ng mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan at PCG na sana ay hindi magkanya-kanya ang lahat ng mga stakeholders sa pagtugon sa mga posibleng mangyari, at pagtugmain ang mga oil spill plans of action.

Vince Altar / Photos: Mac Ocampo – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.