Batangas Province IATF Situation Report

Pagsasanay para sa Maayos na Pangangasiwa ng mga Labi ng COVID-19 Fatalities, Isinagawa
April 27, 2020
Lalawigan ng Batangas, Nananatiling Naka-full Alert sa Banta ng COVID-19
April 29, 2020

April 28, 2020

Inaprubahan ni Governor DoDo Mandanas ang kahilingan ng Department of Health (DOH) na sagutin muna pansamantala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang pagbibigay ng tulong pinasyal para sa pangangailangan ng isang Isolation Facility sa Lalawigan ng Batangas, kabilang ang magiging gastusin nito sa tubig, kuryente, at waste disposal.

Ito ang isa sa mga napagtalakayan sa ginanap na pagpupulong ng Batangas Provincial Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-EID) na pinanguhan mismo ni Governor Mandanas, bilang Presiding Officer, sa pamamagitan ng phone patch noong April 28, 2020 sa Provincial Health Office sa Lungsod ng Batangas.

Ito ay habang hinihintay ang ayudang ibibigay ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) para sa nasabing pasilidad. Dagdag pa ng gobernador, sa oras na dumating ang pondo, ilalaan naman ito sa iba pang pangangailangan. Kaugnay ng mga usapin sa Philhealth, nakatakda ring pangunahan ni Gov. Mandanas ang isang online meeting ng lahat ng chiefs of hospital ng 12 district at provincial hospitals.

Binalangkas na rin ang action plan para sa expanded Coronavirus Diseases 2019 (COVID-19) testing sa lalawigan. Dito ay nakapagsagawa na ng re-assessment of cases ang Regional/Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (R/PESU). Inaasahang magiging prayoridad ng expanded testing ang mga bayan at lungsod na may pinakamaraming bilang ng kaso ng COVID-19 at may kasalukuyang operasyunal na isolation facilities.

Nagbigay daan din ang pagpupulong upang maipabatid ni Governor Mandanas ang kaniyang rekomendasyon sa konseho na ang lahat ng mga hakbang at ginagawang aksyon sa pamamahala ng COVID-19 pandemic ay dapat maging sangayon at nakatuon sa kahandaan para sa mabilis at epektibong implementasyon ng Universal Health Care (UHC) Law.

Inaasahan naman ang 58 tents, mula sa Philippine Red Cross – Batangas Chapter, ang maisasalin sa kustodiya o pamamahala ng lalawigan.

Sa pagnanais na magkaroon ng mas pinalawig pang pagtugon at upang isaalang-alang ang kaligtasan at kalusugan sa parehong hanay ng mga medical frontliners at mga pasyente, nakatakdang sumailalim ang mga naglilingkod sa mga district hospitals ng probinsya sa ika-30 ng Abril at ika-1 ng Mayo.

Hindi naman pinahihintulutan ang pagdaraos ng lamay o burol para sa mga nasawi sa COVID-19. Ito ay alinsunod sa gabay o protocol ng Department of Health sa pangangasiwa sa labi ng mga pasyenteng namamatay dahil sa naturang sakit, anumang paraan ng pagkamatay nito at lugar kung saan ito namatay (e.g. sa bahay, sa healthcare facility).

Kaugnay nito, batay pa rin sa pangkahalatang alituntunin na inilabas ng pamahalaang nasyunal, ang kremasyon ng labi ng namayapa sa COVID-19 ay dapat isagawa agad sa loob ng 12 oras ng kamatayan. Dahil dito, ang local na pamahalaan, particular na ang Office of the Civil Registrar, ay dapat magkaroon ng 24/7 na response team na tutugon sa issuance ng death certificates. Ito ay upang magbigay rin ng solusyon sa ilang mga pagkakataon kung saan ang ilang mga funeral service provider ay tumanggi na magbigay ng serbisyo nang walang wastong dokumentasyon tulad ng Sertipiko ng Kamatayan.

Ang mga namatay naman na non-COVID-19 patients ay kinakailangang mailibing sa loob ng tatlong araw.

Samantala, para sa standard protocol ng recovered COVID-19 patients, ang isang pasyente na nakitang positibo sa pamamagitan ng Polymerase Chain Reaction (PCR) testing ay kinakailangan muling suriin pagkatapos ng 14 na araw sa parehong pamamaraan. Kung ang resulta ay negatibo, isasailalim ulit ito sa PCR testing sa loob ng 48 na oras. Kapag ang resulta ay negatibo pa rin, saka pa lamang ito maaaring pauwiin, ngunit kinakailangan pa ring sumailalim sa istriktong 14 na araw na home quarantine.

Sa pagtatapos ng 14-day strict home quarantine, ang pasyente ay oobserbahan para sa mga sintomas. Kung negatibo ang resulta, kinakailangang magpatingin ang pasyente sa Rural Health Unit (RHU) para mabigyan ng Clearance Certificate. Magbibigay naman ng kopya ng nasabing sertipiko ang RHU sa PESU para sa maayos na pagtatala.

Kasamang nakiisa sa ginanap na IATF-EID meeting sina Vice Governor Mark Leviste, Dr. Rosvilinda Ozaeta, Provincial Health Officer at Batangas IATF Co-Chairperson, Dr. Gerald Alday na siyang tumatayong Incident Commander, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office chief Lito Castro, Philippine National Police – Batangas Provincial Director PCOL Alex Arvin T. Malimban, at mga kinatawan ng iba’t-ibang tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan at ahensya ng gobyerno.

Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.