November 10, 2017
Magkakabalikat na inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas at ng Banko Sentral ng Pilipinas ang Batangas Credit Surety Fund(CSF) na isinagawa sa Provincial Cooperative Development Center ng kapitolyo noong ika-7 ng Nobyembre,2017.
Katuwang ang Land Bank of the Philippines, Industrial Guarantee and Loan Fund at Development Bank of the Philippines, ang nasabing programa ay naglalayong maalalayan ang mga maliliit na mamumuhunan o small and medium industries ng lalawigan sa capital o puhunan sa kanilang mga nais pasuking negosyo o kabuhayan.
Ang Batangas Credit Surety Fund ang naging ika 51 na CSF sa buong bansa na naitatag sa pamamagitan ng Republic Act 10774 o Credit Surety Fund Cooperative Act of 2015.
Lubos ang naging pasasalamat ni Ginoong Diwa C. Guinigundo, Deputy Governor ng Banko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa administrasyon ni Governor Hermilando Mandanas sa buong puso nitong suporta sa programang ito. Kasama ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas, nag-pledge ng P5milyon si Gov. Mandanas bilang inisyal na pondong nakalaan sa higit pang pagpapataas ng antas ng kabuhayan ng mga mamamayang Batangueño.
Ayon naman sa Batangas governor, hindi lamang ayudang pinansyal ang dapat ipagkaloob kundi pati mga pagsasanay sa mga indibidwal o grupo sa mga kaalaman sa negosyong kanilang papasukin.
Dumalo rin sa pagtitipon sina BSP Monetary Board Member Felipe M. Medalla; Department Manager ng LBP John Axel Melendres; Executive Vice President ng DBP Benel Lagua; BM Claudette Ambida Alday; BM Aileen Magboo at Sr. BM Rowena Sombrano Africa.
Naging tampok dito ang paglagda sa Memoramdum of Agreement ng Pamahalaang Panlalawigan, Banko Sentral ng Pilipinas at iba pang mga stakeholders ng Batangas Credit and Surety Fund kabilang ang dalawampu’t isang(21) mauunlad na kooperatiba ng Lalawigan ng Batangas. JUN MAGNAYE- Batangas CAPITOL PIO