Batangas Capitol, Nakiisa sa Pagdiriwang ng 121st Civil Service Anniversary

Gov. Mandanas, Speaker sa Online Forum ng LPU Batangas, UP Online University
September 25, 2021
Gov. DoDo, VGov. Mark Muling Pinagtibay ang Pagtutok sa Health Care, Economic Recovery
September 25, 2021

September 25, 2021


Mga Natatanging Kawani at Tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan, Binigyang Pagkilala

Isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Provincial Human Resource Management Office (PHRMO) at Program on Awards and Incentives for Service Excellence (PRAISE) Committee, ang kauna-unahang Live Virtual Awarding Ceremony ng taunang pagkilala sa mga natatanging kawani at tanggapan ng Kapitolyo o Awarding of Grantees for the Office and Individual Awards.

Sa gabay ng temang “Transforming Public Service in the Next Decade: Honing Agile and Future-Ready Servant-Heroes,” ang paggawad ng pagkilala ay isinagawa noong ika-21 ng Setyembre 2021 bilang pakikiisa ng Kapitolyo sa selebrasyon ng ika-121 na Taong Anibersaryo ng Serbisyo Sibil ng Pilipinas at upang kilalanin ang pagpupunyagi ng bawat lingkod bayan na nagsisilbi sa ngalan ng serbisyo publiko, lalo ngayong panahon ng pandemya.

“Taos-puso at buong-init ang ating pagbati sa ating Civil Service Commision sa ika-isang-daan at dalawampu’t isang kaarawan…ito’y ating isinasaisip, isinasapuso, at isinasagawa, ang pagkilala sa napakagandang pagtataguyod ng mga alituntunin ng ating Civil Service Commission,” saad ni Governor DoDo Mandanas, bilang pambungad sa kaniyang naging mensahe.

Naging tampok sa ginanap na awarding ceremony ang pagbati at pagkilala kay Ginoong Petronilo A. Macaraig, kawani mula sa Provincial Engineer’s Office, na hinirang bilang Dangal ng Bayan Regional Awardee sa katatapos lamang na Honor Awards Program o 2021 Search for Outstanding Public Officials and Employees ng Civil Service Commission (CSC) Regional Office IV (CALABARZON at MIMAROPA) noong ika-3 ng Setyembre.

Nagsilbing inspirasyon sa bawat isang provincial nominees at finalists ngayong taon ang naging tagumpay ni Macaraig, na matatandaang nagkamit din ng pagkilala sa provincial level bilang Exemplary Behavior Awardee noong nakaraang taon.

Ipinagkaloob kay Macaraig ang Dangal ng Bayan Regional Award dahil sa mahusay at patuloy nitong demonstrasyon o pagpapakita ng exemplary ethical behaviour, batay sa pagsunod sa norms of conduct na nakapaloob sa Republic Act No. 6713. Sa ilang taong paglilingkod ni Macaraig, naipamalas nito ang mga katangian na sumasalamin sa malalim na kahulugan sa pagtupad sa sinumpaang tungkulin – ang magbigay ng isang tapat, aktibo, maaasahan, at puno ng dedikasyon na serbisyo publiko.

Samantala, para sa Awarding of Grantees for the Office and Individual Awards ng pamahalaang panlalawigan ngayong 2021, iginawad ang Outstanding Employee of the Year kay Mr. Rafael Romulus A. Catada ng Office of the Provincial Agriculturist para sa 2nd Level category, at Mr. Carlos R. Gonzales mula sa Office of the Provincial Administrator – Batangas Povincial Jail para naman sa 1st Level category.

Nakuha nina Ms. Maria Lourdes R. Soriano mula sa Provincial Health Office, para sa 2nd Level, at Mr. Antonio Gabriel B. Puertollano ng Provincial Planning and Development Office, para sa 1st Level, ang Exemplary Behavior Awards.

Itinanghal namang Model Employee of the Year si Mr. Rommel I. Fajiculay mula sa Provincial General Services Office.

Bukod dito, ang Governor’s Service Award, na ipagkakaloob naman sa isang retiree, ay nakamit ni Ms. Daria M. Mercado ng Provincial Accountant’s Office para sa kaniyang mahigit 35 na taong paglilingkod sa Kapitolyo.

Nagkamit din ng parangal ang ilang mga tanggapan at grupo, kabilang ang Provincial Assistance for Community Development na nagpakita ng Most Significant Accomplishment/ Achievement/ Contribution/ COVID-19 Innovative Program; Provincial Health Office – Laurel Memorial District Hospital para sa On-the-Spot Office Award o mahusay na implementasyon ng mga programa ng organisasyon; at Provincial Health Office – Emerging and Re-emerging Infectious Disease (EREID) Team na nasungkit ang PAG-ASA Group Award, parangal na ipinagkakaloob para sa mga grupo o samahan na nagpapamalas ng outstanding contribution na pinakikinabangan ng nakararami.

Nangibabaw naman ang husay sa pagpinta at pagguhit ni Ms. Vannesa R. Carmona ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office para sa ginanap na On-the-Spot Painting Contest, na bahagi ng mga aktibidad kaugnay sa selebrasyon ng CSC Anniversary.

Ang mga awardees ay tumanggap ng plake ng pagkilala at kaakibat na cash prizes o insentibo. Hinusgahan ang mga ito sa pamamagitan ng masusing deliberasyon ng mga naimbitahang external evaluators mula sa iba’t ibang ahensya at institusyong pang-akademya.

Pinasalamatan naman ng PHRMO, sa pangunguna ni Ms. Rhiza B. De Zosa, ang malaking tulong ng mga naging katuwang na evaluators at panel of judges para sa pagpili ng mga awardees ngayong taon.

Bahagi rin ng programa, ang ipinaabot na mensahe ni CSC – Batangas Provincial Director Lily Beth L. Majomot, na kinilala ang sakripisyo ng bawat isang lingkod bayan, sa kabila ng nararanasang pandemya, na nanatiling tapat sa kanilang mga tungkulin at patuloy na nagsusumikap upang maisabuhay ang pagbibigay ng makabuluhang pagbabago sa buhay ng bawat isang pinanunungkulan.

Binigyang-diin naman ni Governor Mandanas na talagang kailangang-kailangan, lalo sa panahong ito, ang mga magigiting na nanunungkulan dahil “…hindi lamang tayo lingkod bayan, ..tayo ay mga lingkod bayani.”

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.