African Swine Fever issue, masusing tinalay sa RDC IVA ExeComm Meeting

2nd at 3rd Quarter Accomplishment ng PPDO, itinampok
November 13, 2019
4th Quarterly Honorarium para sa mga barangay tanod chiefs, ipinamahagi ng Kapitolyo
November 14, 2019

November 13, 2019

Pinangunahan ni Batangas Governor DoDo Mandanas ang Joint Investment Promotion Group and Executive Committee Meeting ng CALABARZON Regional Development Council noong ika-13 ng Nobyembre 2019 sa NEDA IV-A Building, Lungsod ng Calamba.

Nagkaroon ng mahabang talakayan nang magbigay ng updates patungkol sa African Swine Fever (ASF) Preparedness Plan ang Department of Agriculture – Region IVA (DA-IVA), sa pangunguna ni Regional Executive Director Arnel De Mesa. Ibinahagi ng DA-IVA sa konseho ang kasalukuyang sitwasyon sa mga lalawigan at ang mga inisyatibong ipinatutupad upang higpitan ang pagpasok at paglabas ng pork products.

Napagkasunduang, sa pamamagitan ng isang RDC resolution, irerekomenda na payagang makapasok ang mga live hogs at meat products mula sa mga ASF-free CALABARZON provinces sa mga probisnyang nauna nang nag-positibo nasabing virus. Ito ay upang maiwasan ang pagkakaroon ng problema sa supply at demand dahil walang mapagdalhan ng mga baboy ang mga producers matapos ang sunod-sunod na pork ban.

Ang mga Lalawigan ng Batangas, Laguna at Quezon ay pawang mga ASF-free, samantalang ang ilang mga bayan sa Cavite at Rizal ay nagkaroon ng mga positibong kaso nito. Dahil sa ASF at ban ng lalawigan at bayan, ipinaliwanag ni Gov. Mandanas na bumaba ang presyo ng baboy sa merkado, na kapag nagtuloy-tuloy ay maaaring maging dahilan para magdalawang-isip ang mga mamumuhunan at bumaba ang supply nito.

Inaasahang ang pagbubukas ng mga lalawigan sa rehiyon sa mga live hogs at pork products, mula sa ASF-free provinces, ang magiging tugon sa posibleng krisis na pang-ekonomiya.

Ang Batangas ang top hog producer sa Region IVA at 2nd sa buong Pilipinas. Malaking bahagi ng hog supply sa lalawigan ay dinadala sa Cavite, kung saan matatagpuan ang maraming meat processing at manufacturing plants.

Iniulat din ng DA na patuloy ang kanilang istriktong implimentasyon ng safety protocol sa mga lugar kung saan may mga positibong kaso ng ASF. Sa nasabing aksyon, may isang kilometrong radius na quarantine zone mula sa lugar, kung saan nakita ang baboy na may impeksyon; pitong kilometrong radius na surveillance zone, upang makita ang lawak ng impeksyon; at 10 kilometrong radius na control zone, kung saan inaasahang makikita sa early stage ang anumang ASF case sa pamamagitan ng mandatory disease reporting.

Bukod dito, ang mga babuyan, kung saan may nag-positibo, ay kinakailangang dumaan sa 60 araw na cleansing at disinfection, na susundan ng 60 araw pa na rest period. Matapos ang apat na buwan, maglalagay sa lugar ng mga biik, na magsisilbing sentinel animals upang makita kung ang infectious na sakit ay tuluyan na ngang naalis dito.

Dumalo sa pagpupulong ang mga provincial agriculturists at veterinarians ng CALABARZON, kabilang si Provincial Veterinarian, Dr. Rommelito Marasigan.

Batangas Capitol PIO / Eric Arellano | Photo

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.