Tourist Assistance Desk, inilunsad ng Provincial Tourism Office

Invitation to Bid
June 10, 2019
Araw ng Kalayaan, ipinagdiwang sa Batangas Capitol
June 12, 2019

June 11, 2019

Malaki ang kontribusyon ng industriya ng turismo sa ekonomiya ng Batangas Province, kaya naman minabuti ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office (PTCAO), na pinamumunuan ni Atty. Sylvia Marasigan, na ilunsad ang Tourist Assistance Desk sa mga pangunahing transport terminals sa lalawigan.

Kaugnay nito, nagsimulang pairalin ang tourist assistance desk sa Passenger Terminal Building 3 (PTB 3) sa Batangas Port noong April 19 ngayong taon, kasabay ng Huwebes Santo.

Ito ang peak season ng pagdagsa ng mga turista sa probinsya dahil sa patok na faith tourism at iba’t ibang ipinagmamalaking beach resorts dito.

Ang nasabing assistance desk ay naglalayong makapagbigay ng gabay at tulong sa mga inbound at outbound na turista sa lalawigan, gayundin upang higit pang maitaguyod ang kampanyang “Fun, Food, Faith in Rich Batangas”.

Samantala, nitong ika-28 ng Mayo 2019 ay naglagay na rin ng assistance desk sa Batangas Grand Terminal, na, kagaya ng Batangas Port, nagsisilbi ring gateway ng mga biyahero o turista papasok at palabas sa lalawigan.

Noong taong 2017 ay nanguna ang Batangas Province sa tourist arrivals sa CALABARZON Region. Bumisita noon ang may kabuuang 8,344,866 visitors, kung saan 6,836,183 sa mga ito ay one day tourists, habang 1,508,683 naman ang namalagi ng overnight.

Inaasahan ng PTCAO na mahihigitan pa ang naturang datos sa taong ito sa pamamagitan ng mga naturang assistance desks, na tutugunan ang mga katanungan at pangangailangan ng mga turista sa lalawigan, gaya ng direksyon papunta sa kanilang mga destinasyon at iba pa. – Marinela Jade M. Maneja, Batangas PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.