June 4, 2020
Hindi hadlang ang banta ng COVID-19 disease sa patuloy na mga serbisyong isinasagawa ng Provincial Agriculture Office (OPAg) para sa mga mamamayang Batangueño.
Nitong huling linggo ng Mayo 2020, kabilang sa mga nagawa ng nasabing tanggapan, sa pamumuno ni Engr. Pablito Balantac, ang pagsasaayos ng 5,000 square meters na lupain sa tabi ng evacuation site sa Talaibon, Ibaan, na pagtataniman ng iba’t ibang uri ng gulay. Magkatulong na naigayak ang nasabing taniman ng mga kawani ng OPAg at mga Taal Volcano evacuees.
Nakapagbigay din sila ng tulong sa paghahanda ng lupang taniman sa 29 na mga magsasaka. Tatlumpu’t limang ektarya ang sakahang naihandang taniman sa mga Bayan ng San Pascual, Bauan, Cuenca, San Nicolas, Alitagtag, San Jose, Padre Garcia at Lipa City.
Naging katuwang din ang OPAg ng mga magsasakang Batangueñong sa patubig, matapos nitong panghunahan ang shallow tube well drilling at installation para sa 27 magsasaka sa Bayan ng Nasugbu.
Namamahagi din sila ng mga binhi ng gulay, mais at fertilizer sa mga magsasaka at walk-in clients sa kanilang opisina.
Batangas Capitol PIO / Photo: Office of the Provincial Agriculturist