August 13, 2018
Sa paglalayong maihatid ang wasto at napapanahong impormasyon tungkol sa iba’t ibang mga aktibidad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, ang Provincial Information Office (PIO) ay patuloy at walang humpay na naghahangad na maging epektibong tulay ng gobyerno patungo sa mga mamamayang Batangueño.
Kaugnay nito, ang Tanggapan ng Panlalawigang Impormasyon, sa pangunguna ni Officer-in-Charge, Ms. Jenelyn A. Aguilera, ay nagbigay ulat tungkol sa iba’t-ibang programa at gawain ng nasabing opisina.
Sa nakaraang kalahating taon, kasama ang iba’t ibang opisina ng pamahalaang panlalawigan at mga national agency partners, ginampanan ng PIO ang iba’t ibang photo and video documentations sa mga okasyon at iba’t ibang site visitations sa lalawigan.
Nagsusulat at nakakapaglathala rin ng mga press releases o balita na tungkol sa mga proyektong naisakatuparan ng Kapitolyo sa iba’t ibang pahayagang lokal at nasyonal. Naibabahagi at naipaparinig naman ang mga natapos at nakalatag na mga aktibidad ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng opisyal na programa sa radyo na B’yaheng Kapitolyo.
Naging abala rin ang PIO sa maintenance ng social media accounts ng Kapitolyo, gayundin ang provincial government official website kung saan nakapaloob ang mga impormasyon tungkol sa Batangas Provincial Government, mga bids announcements mula sa Provincial Health Office at Bids and Awards Committee, job vacancies mula sa tanggapan ng Provincial Human Resource Management Office at iba pang mga pangangailangan na kailangang ipagbigay alam sa madla. – ✎ Mark Jonathan M. Macaraig at Louise Mangilin – Batangas Capitol PIO