July 3, 2024
Pinasalamatan ni Ginoong Rundolph “Bogs” Abanto, punong guro ng Center for Excellence in Public Elementary Education o CENTEX Batangas sa Barangay Aplaya, Bayan ng Bauan, ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ni Governor Hermilando I. Mandanas, sa suporta nito sa kanilang paaralan.
Sa panayam sa B’yaheng Kapitolyo noong ika-2 ng Hulyo 2024, ibinahagi ni Abanto ang itinayong Hermilando I. Mandanas Open Classroom noong 2018, na naging malaking parte aniya sa mga school at sports events ng paaralan, at ang two-storey, six-classroom Regina R. Mandanas Memorial Building, na pormal na binuksan noong Hunyo 24, 2024.
Idinagdag pa niya ang taon-taong Brigada Eskwela materials na natatanggap ng paaralan mula sa pamahalaang panlalawigan, kabilang ang ipinamahaging 25 laptop computers para sa mga guro.
Buong pagmamalaki ring inilahad ng punong guro na nagawaran ang CENTEX Batangas ng National “Best Brigada Eskwela Implementor” – Elementary Medium School Category noong 2021 Education Support Service Division (ESSD) Awards ng Department of Education (DepEd). Nagwagi rin sila ng special awards na Best Partnership Engagement at Best Home Learning Space.
Itinatag ang CENTEX, isang pampublikong paaralang pang-elementarya, noong taong 2000 sa pamamagitan ng isang “tri partnership” ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, DepEd at Ayala Foundation, Inc. Bukod sa karaniwang mga academic subjects, mayroon din silang “reinforcement subjects or after-school hours programs,” na ginaganap tuwing Biyernes ng hapon upang mahasa ang kanilang galing at talento sa larangan ng kultura at sining.
Kaugnay nito, nagkaroon ng isang recital ang mga mag-aaral ng CENTEX Batangas, na tinawag na “Ani ng Sining” at ginanap sa Bauan Colleges Inc. noong Mayo 18, 2024, kung saan ipinamalas nila ang kanilang mga talento.
Ayon kay Ginoong Abanto, patuloy sa paglago ang kanilang paaralan, na sa kasulukuyan ay mayroong 607 na mga mag-aaral at 26 na mga guro.
Binigyang-diin din ni Ginoong Abanto ang kaniyang pasasalamat sa walang sawang suporta ng pamahalaang panlalawigan, DepEd, Ayala Foundation, Pamahalaang Bayang ng Bauan, mga mahuhusay at talentadong guro at sa lahat ang mga magulang ng mga mag-aaral ng CENTEX Batangas.
Ipinagbigay-alam din niya sa mga mag-aaral mula sa ibang mga bayan at lungsod sa lalawigan na na ang CENTEX Batangas ay bukas para sa lahat na nagnanais na makapasok at makabilang sa nasabing paraalan.
Kabilang sa mga ikinakasang hakbang ng pamunuan ng paaralan sa hinaharap ang pagbubukas ng Junior High School dito. Batangas Capitol PIO – Almira Elaine F. Baler