March 12, 2025
Groundbreaking Ceremony, MOA Signing para sa Housing Project, Isinagawa
Sa nagkakaisang layunin na makapaghatid ng bagong buhay at pag-asa sa mga pamilyang naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Kristine noong 2024, binigyang-katuparan na ang pagsisimula ng housing project para sa ilang mga indibidwal at pamilya mula sa Bayan ng Agoncillo na pawang mga nananatili pa rin sa mga evacuation centers.
Isinagawa noong ika-12 ng Marso 2025 ang Groundbreaking Ceremony at Memorandum of Agreement (MOA) Signing para sa proyektong pabahay, na bahagi ng inisyatibong “Sulong Batangas (Onward Batangas)” ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, katuwang ang pribadong sektor sa lalawigan.
Ang naturang programa ay nagsimula sa adhikain na magkaroon ng pagtutulungan sa pagitan ng pamahalaang panlalawigan at pribadong sektor upang makabuo ng mas konkreto, pangmatagalan, at maayos na mga programa para sa muling pagbangon ng mga naapektuhang pamilya at pagtataguyod ng mas matatag na mga komunidad.
Ang pagtatayuan ng housing project sa Bayan ng Agoncillo ay mula sa 9,000 metro-kuwadradong lupang pagmamay-ari ng lokal na pamahalaan nito sa Barangay Pamiga. Dahil sa pagkakaroon ng magagamit na lupa at mga pakikipag-ugnayan ng Kapitolyo sa Pamahalaang Bayan ng Agoncillo at iba’t ibang private grupo, agaran ding nasimulan ang proyekto.
Ilan sa mga pribadong organisasyon na naging kaisa sa housing project ay ang Gawad Kalinga (GK) Community Development Foundation, First Philippine Industrial Park, Inc (FPIP), Aboitiz InfraCapital – LIMA Estate, at Philippine Red Cross.
Sa groundbreaking ceremony, mayroon nang paunang 23 pledged housing units na itatayo sa Agoncillo Bayanihan GK Village. Ang 20 na bahay rito ay mula sa donasyon ni Ginoong James Chan at ang 3 naman ay mula sa pamunuan ng FPIP.
Bago pa maganap ang opisyal na paglagda ng MOA, nagkaroon pa ng karagdagang 9 pledged units upang umabot ito sa kabuuang 32 housing units.
Dalawa rito ay mula sa pledge nina Vice Governor Mark Leviste at kaniyang ina na si dating Lipa City Councilor Patsy Leviste, 5 mula sa pamahalaang bayan ng Agoncillo, at dalawa pang mula kina Agoncillo Mayor Cinderella Valenton-Reyes at Vice Mayor Daniel Reyes.
Malaki ang naging pasasalamat ng buong pamunuan ng Agoncillo sa pagtulong at pag-agapay ng pamahalaang panlalawigan, sa pangunguna ni Governor Hermilando Mandanas, at mga katuwang na private companies at organisasyon, upang mabigyan ng katuparan ang proyekto para sa kanilang mga kababayan.
Personal din niyang pinasalamatan ang tanggapan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) para sa mga ipinadalang tents bilang pansamantalang tirahan ng mga evacuees at pasasalamat sa naging pakikipag-ugnayan ni Provincial Administrator Wilfredo Racelis sa mga organisasyon, kumpanya, at indibidwal na naging tulay sa matagumpay na pagpapaganap ng housing project.
Naging emosyonal naman ang lahat sa mensahe ng pasasalamat at pagbabahagi ng kuwento ni Rubelyn Andal, na tumayong kinatawan ng iba pang mga benepisyaryo ng pabahay program. Dito ay inilahad niya ang kaniyang sariling karanasan noong panahong nanalasa ang Bagyong Kristine sa kanilang lugar.
Samantala, umaasa ang lahat na patuloy pang madaragdagan ang mga housing units sa tulong ng iba pang mga magnanais na maghatid ng suporta at gagawing hakbang ng FPIP para makapangalap pa ng donasyon sa kanilang mga locators o mga mamumuhunan.
Naging kinatawan ni Governor Mandanas sa pagtitipon sina Vice Governor Leviste at Provincial Administrator Racelis, kasama sina 3rd District Board Member Fred Corona, PDRRM Officer, Dr. Amor Calayan, Provincial Planning and Development Office Head, Enp. Marisa Mendoza, at Housing and Homesite Regulation Officer Ronnel del Rio.
Dumalo at nakiisa rin sa ginanap na aktibidad sina Gawad Kalinga Community Development Foundation Executive Director Daniel Bercasio at FPIP, Inc. Vice President and Head of External Affairs Ricky Carandang.
Mark Jonathan M. Macaraig / Photos: Macven Ocampo – Batangas Capitol PIO